Powered by Blogger.

Wednesday 29 October 2008

Alagad ng Diyos Alfredo Maria Obviar


Ang Santo Ng Katesismo


KILALANIN NATIN SIYA
Sa huling dekada ng pananakop ng mga Kastila sa Pilipinas, isinilang ang isa sa mga natatanging Pilipino na ngayon ay nasa proseso ng beatipikasyon at kanonisasyon. Si Alfredo Aranda Obviar ay isinilang noong Agosto 29, 1889 sa Lipa, Batangas. Siya ang natatanging anak nina Telesforo Obviar at Catalina Aranda. Maagang naulila sa mga magulang niya kaya naman siya ay inalagaan ng mga kamag-anak niya sa ina.

Nag-aral si Alfredo sa Kolehiyo ng San Francisco Javier na pinatatakbo ng mga Heswita kung saan nabuo sa kanya ang pagiging isang relihiyoso. Nagtapos siya dito noong 1901. Kanya namang tinapos ang kursong Liberal Arts mula sa Ateneo de Manila University noong 1914. Pagkatapos nito siya ay pumasok sa Pontifical Seminary for Theological Studies ng Unibersidad ng Santo Tomas. Siya ay naordinahan noong Marso 15, 1919. Nang maging kura paroko siya ng Malvar, Batangas nagpakita siya ng hindi pangkaraniwang karisma sa pagsasanay sa mga katekista at pagtuturo ng katekismo sa mga tao laung-lalo na sa mga matatanda.

Naitalaga rin siya sa Cathedral Parish ng Lipa, Batangas bilang kura paroko. Sa Lipa, itinatag ni Alfredo ang maraming mga catechetical centers sa kabayanan at kanayunan. Ayon sa mga matatanda, tuwing Linggo mayroong mga 300 katekista na magtuturo sa mga bata, isang paghahanda para sa panghinaharap niyang gawain. Dahil sa kanyang matinding debosyon at kabanalan bilang isang pari, itinalaga siya ni Obispo Alfredo Versoza (kinikilalang pinakaunang Ilokanong obispo at nasa proseso na rin sa kanyang beatipikasyon at kanonisasyon) bilang Vicar General ng Lipa na sumasakop sa buong probinsya ng Batangas, Quezon, Laguna, at Marinduque. Naitalaga rin siya bilang confessor at chaplain ng Carmelite Monastery ng Lipa.

Noong Hunyo 29, 1944, naitalaga siya bilang Auxiliary Bishop ng Lipa na kung saan nagsanay ang maraming mga boluntaryong katekista sa mga kanayunan. Si Obviar ay isa sa mga nagkaroon ng malaking papel sa milagro ng Carmel ng Lipa. Noong mga taong 1948 hanggang 1950, napabalita ang pagpapakita ng Mahal na Birhen sa isang batang madre, si Sister Teresing, na may kasamang pagsasaboy ng mga rosas. Hindi pa rin matukoy ang naging papel ni Obviar sa pangyayaring ito sa katotohanang siya ay ang chaplain at confessor ng mga Carmelites. Ngunit dahil sa pagsalungat dito ng lupon ng anim na obispo na kumatawan para sa dating Catholic Welfare Organization, walang nagawa si Obviar at Versoza kundi ang manahimik na lamang. At dahil na rin dito, ang mga madre ng Carmel ng Lipa ay unti-unting inilipat sa iba pang mga monasteryo dito sa Pilipinas. Ngunit sinasabing si Obviar at Versoza ay naniwala sa mga pangyayaring naganap.

Maagang nagretiro si Obviar sa kanyang tungkulin bilang Apostolic Administrator ng Lipa. Dahil dito, isang bagong tungkulin ang ibinigay ng Vatican sa kanya bilang Apostolic Administrator ng bagong Diyosesis ng Lucena. Hinawakan niya ang posisyong ito mula noong Marso 15, 1951 hanggang Hulyo 19, 1969 at dahil sa rekomendasyon ni Arsobispo Carmine Rocco, ang Apostolic Nuncio, naitalaga siya bilang unang Obispo ng Diyosesis ng Lucena. Si Versoza ay pinalitan naman ni Rufino Santos (naging Cardinal kinalaunan) sa Lipa. Hindi inaasahan ang pagkakalipat ni Obviar sa Diyosesis ng Lucena ngunit mahalaga ang pangyayaring ito. Ipinagpatuloy pa rin niya ang kanyang mga gawain at itinago niya ng buong puso ang mga naganap sa Carmel ng Lipa.

Mahirap ang magpatakbo sa Diyosesis ng Lucena at kinailangan niyang magkaroon ng mga makakatulong sapagkat mayroon lamang higit sa 30 pari ang diyosesis kaya mahihirapan sila sa ebanghelisasyon ng mga tao. Kulang at kakarampot lamang na bilang ng mga katekista. Malaki man ang hangarin niya kailangan pa rin itong magsimula sa maliit. At noong Agosto 12, 1958 naitatag ang Missionary Catechists of Saint Therese of the Infant Jesus (MCST), sa tulong ni Mother Mercy Medenilla, ang naging unang superior ng MCST, at nang apat pang kababaihan. Ang pinakaunang kumbento ng mga MCST ay itinatag sa San Narciso, Quezon. Sa kasalukuyan mayroon nang higit 270 mga madre ang MCST na pinapanatili ang debosyon at gawain ni Obviar sa pagpapalaganap ng Ebanghelyo. At upang mapunan ang pagkukulang ng mga pari sa bagong diyosesis, itinatag naman niya ang Mt. Carmel Seminary at pagkalipas naman ito ay ang St. Alphonsus School of Theology. Sa pagkakatatag ng mga ito lumaki ang bilang ng mga pari mula 1951 hanggang 1975. Sa taon ng kanyang pagreretiro, nadagdagan ng higit 100 ang mga pari. Isa sa mga naging utos niya sa mga pari ay ang pagdarasal nila ng Holy Hour sa harap ng Banal na Sakramento o kaya naman ay ang pagdarasal nila ng kahit isang oras lang. Ginampanan niya ang kanyang mga tungkulin bilang pari nang mabuti. Ang kanyang pagmamahal at pag-aalala sa kaparihan ay nakakadaig sa mga kasalanang kanilang nagagawa.

Ginampanan rin niya ang kanyang tungkulin bilang obispo. Palagian siyang nagkakaroon ng mga pagbisita sa mga iba’t ibang parokya upang makilala niya ang mga laiko sa kanyang diyosesis. Nagkaroon ng mga palagiang kumbensyon at mga kongreso ng mga tao. At higit sa lahat nagkaroon pa rin ng mga kumbensyon sa katekismo. Kahit siya ay tumuntong na sa edad na 80 taong gulang, tinitipon pa rin niya ang ilang mga MCST sa kanyang tabi upang sila ay mapangaralan at mabigyan ng mga diskusyon sa katekismo. Dahil na rin sa paglala ng mga karamdaman niya, humalili na sa kanya ang isang Coadjutor, si Jose Sanchez (Cardinal ngayon). Pinangaralan din ni Obviar ang mga madre niya sa kahalagahan ng pagdarasal ng Santo Rosario at ito rin ang isa sa kanyang naging debosyon bilang isang pari. Sa pagreretiro niya, nagbago na rin ang kanyang gawain patungo sa mas marami pang pagdarasal para sa Simbahan at ang pag-aalay ng karamdaman niya kay Jesus para sa mga minamahal niyang MCST. Ginugol niya ang tatlong taong nalalabi sa buhay niya sa piling nga mga MCST sa Tayabas, Quezon. Naging kasiyahan ni Obviar ang pakikinig sa mga MCST tungkol sa mga mumunting kwento nila habang sila ay nasa gawain.

Isinuko niya ang kanyang buhay sa Diyos noong Oktubre 1, 1978, sa kapistahan ni Santa Teresita, sa Mt. Carmel Clinic. Inihimlay ang kanyang mga labi sa kumbento ng mga MCST sa Tayabas, Quezon.

Siya ay inihayag bilang Alagad ng Diyos noong Marso 6, 2001. Pagkatapos nito inumpisahan na ang mga pagsisiyasat at noong 2005 opisyal na iniharap sa Congregation for the Causes of Saints ang resulta. Noong Abril 27, 2007 ibinigay ng Vatican ang Decree of Validity sa mga dokumento at dito nag-umpisa ang Roman Phase o ang pagsisimula ng Roma sa pag-iimbestiga sa buhay ni Obviar. Hindi natin malalaman kung hanggang kailan ang itatagal nito, maaaring abutin ng ilang taon o kaya ay dekada. Ganoon pa man, puno tayo ng pag-asang magkakaroon muli ang ating bansa ng isang santo sa katauhan ni Obispo Obviar.


MGA ARAL SA BUHAY NIYA
• Kabanalan bilang isang Pari
Kakaiba ang ipinakita ni Bishop Obviar bilang isang pari ng Simbahang Romano Katoliko. Sa mga gawain niya naipakita niya ang kanyang pagiging banal. Pagpapahalaga sa katekismo ang isang kakikitaan ng kanyang kabanalan. Hindi maitatago ang suliranin ngayon sa loob ng Simbahan ang pagiging banal ng mga pari. Marami ngayong mga paring nababalita na gumagawa ng mga kabalbalan sa kanilang mga parokya. Nandiyan ang mga balita tungkol sa katiwalian, pagkakaroon ng asawa ng ilan, at ang pinakamatindi ay ang mga sexual abuses . Hindi ganito ang inaasahan sa kanila. Kabanalan ang pinakaunang impresyon sa mga pari sapagkat sila ay ang mga kinatawan ni Kristo dito sa lupa. Ang pari dapat magsilbing halimbawa ng kabanalan upang maging banal rin ang mga taong kanyang pinaglilingkuran.

• Pagiging tapat sa tungkulin bilang Pari
Tapat siya sa kanyang tungkulin bilang isang pari. Iyan ang isang dahilan kung kaya siya ay naitalaga sa iba’t ibang mga posisyon sa Simbahan. Naipakita rin ang katapatan niya sa pagsunod na manahimik sa mga pangyayari sa Carmel ng Lipa. Pati rin ang pagganap niya sa naibigay sa kanyang tungkulin bilang ama ng Diyosesis ng Lucena.

Dapat ring maging tapat ang mga pari sa kanilang mga tungkulin. Hindi sila tinawag ng Panginoon upang pagsilbihan ang kanyang sarili. Ang katapatan niya ay dapat ihandog niya sa Panginoon at sa sangkatauhan sapagkat sila ang naiatas sa kanya upang pangalagaan sila. Ang katapatan sa tungkulin ay naipapakita sa pagtugon nang daglian at ng pagiging bukas palad sa lahat, walang pinipili sapagkat lahat ay anak ng Diyos. Sabihin mang tao lamang ang mga pari ngunit tulad ng lahat siya rin ay tinatawag ng Diyos para maging perpekto.

• Pagpapahalaga sa Katekismo
Katekismo ang naging charism ng paglilingkod ni Bishop Obviar sa Simbahan. Kilala siya sa gawaing ito na masasalamin ngayon sa pamamagitan ng mga Missionary Catechists of Saint Therese (MCST). Pagpapahalaga sa kapangyarihan ng katekismo upang maipalaganap ang Ebanghelyo ang kanyang ipinakita. Ito ang natatanging pagkakakilanlan ni Bishop Obviar sa iba pang mga nasa proseso ng pagiging Santo.
Ang MCST ngayon ang isa sa pinakamalaking kongregasyon ng mga madre na naglilingkod sa Pilipinas. Malaki ang kanilang ginagampanan sa katekismo ng bawat diyosesis na kanilang kinalalagyan. Mahalaga ang katekismo sa pangkalahatan sapagkat ito ang nagiging pormasyon ng ating kabataan sa ating pananampalataya. Malaki ang papel ng simpleng katekismo sa bawat taong nakikinig dito. Kung hindi natin bibigyan ng pagpapahalaga ang katekismo, sino pa ang magtuturo sa susunod na henerasyon tungkol sa ating pananampalataya? May napakalaking papel ang katekismo sa lahat ng mga Katoliko sapagkat ito rin ang nagiging daan upang maging sariwa ang pananampalataya sa atin. Kung mawawala ang katekismo malaking bahagi ng Simbahan rin ang mawawala.

• Pagpapahalaga sa kaparian
Alam ni Bishop Obviar ang kahalagahan ng mga pari. Pari siya at nalalaman niyang malaki ang tungkulin ng kapariaan upang lalo pang maipalaganap ang Ebanghelyo. Dahil sa kakulangan ng mga pari sa kanyang diyosesis kaya itinatag niya ang mga seminaryo. Makikita ang tagumpay ng mga itinatag niya sapagkat mula sa kakarampot na pari, kanya itong naparami hanggang sa kanyang pagreretiro.

Bilang mga laiko, hindi lamang ang mga obispo o mga pari ang magbigay ng pagpapahalaga sa kaparian. Kailangan nating suportahan ang mga kabataang may bokasyon sa pagpapari. Huwag nating patayin ang binhi na sa kanila ay tumubo na. Kahit kailan wala tayong karapatang tuligsain ang bokasyon sa isang tao sapagkat ito mismo ay nanggaling sa Diyos. Ang pinakamasaklap na yatang sitwasyon ay ang sa mga magulang na mismong nagbabawal sa kanilang mga anak. Ibinigay sa inyo ang inyong anak upang sa oras na kailanganin siya ng Diyos inyo rin siyang ibabalik. Pangalagaan natin ang mga bokasyon.

• Pagpapatunay na ang kabanalan ay para sa lahat
Si Bishop Obviar ang iilan lamang sa mga Pilipinong nasa proseso ng beatipikayon at kanonisasyon. Sa ating pagtingin sa mga iba’t ibang santo sa mga simbahan masasabi nating bakit puro mga Europeo ang mga santo sa ating mga Simbahan? Kung minsan nakakababa ito sa ating pagtingin sa ating lahi bilang mga Pilipino sa pag-aakalang wala tayong karapatang maging mga Santo.

Pero sa pamamagitan ni Bishop Obviar, ipinararating rin sa atin na ang kabanalan ay para sa lahat. Ito ay hindi limitado para sa mga Europeo lamang. Ang kabanalan ay walang pinipiling lahi sapagkat hindi tayo nasusukat sa ating lahi. Ang kabanalan ay para sa lahat.

TAWAGAN MO SIYA

(Bilang isang Kapatiran ng mga Pilipinong Katoliko at bilang isang Pangkabataang Website na Katoliko, ang Confraternity of Catholic Saints at Tanghalang Anluwage, Inc., sa pamamagitan ng anluwage.com ay inaanyayahan ang bawat isa sa pagdarasal upang agarang maging Santo ang Alagad ng Diyos, Alfredo Maria Obviar)


PRAYER THROUGH THE INTERCESSION OF
SERVANT OF GOD, ALFREDO MARIA OBVIAR


Father, in your loving compassion, lead us always to do your will, even as we ask you the grace (say your petition or favor), wherein you may always be praised and your faithful servant ALFREDO MARIA OBVIAR can be presented as another example of holiness in the Church. This we ask through the same Christ our Lord. Amen

Our Father, Hail Mary, Glory be…

Our Lady of Mt. Carmel, pray for us.
St. Joseph, pray for us.
St. Therese of the Child Jesus, pray for us.

Reference:
http://www.mcst.com.ph, http://www.wikipedia.org

Special thanks to the Missionary Catechists of Saint Therese of the Infant Jesus, especially to Sr. Evangeline F. Pabalate, MCST, and to the other MCST of San Nicolas, Ilocos Norte.

1 comment:

Leonardo said...

I pray that, through the intercession of the Servant of God Bishop Alfredo Maria Obviar, the MCST will flourish like mushrooms in the Philippine soil to reach even the most remote areas in Mindanao to catechize the people; and that the Holy Founder will soon be canonized.

Fr. Leonardo Adaptar, CS (Scalabrinian)

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP