Powered by Blogger.

Thursday 23 April 2009

San Anselmo


Obispo, Duktor, Santo


KILALANIN NATIN SIYA
ANLUWAGE.COMinakakilalang mga teologo at mga pilosopo na yata ng Simbahang Katolika sina San Agustin at Santo Tomas Aquino. Ngunit isang tao ang sinasabing nasa pagitan ng dalawang ito sa pagiging pinakaimpluwensyal na Kristiyanong intelektuwal. Siya si San Anselmo, Obispo at Doktor ng Simbahan.

Napakakaunting bilang ng mga kalalakihan ang sinasabing hiyang na hiyang para sa isang pamumuhay na tahimik ng mga monghe at pagiging iskolar tulad ni Anselmo. Ipinanganak mula sa isang pamilyang maharlika ng Aosta sa Peidmont, Italy sa taong 1033, nagtungo si Anselmo sa monasteryong Pranses sa Le Bec noong 1060 umaasang makakapamuhay ng isang tahimik na puno ng pagdarasal at pag-aaral.

Noong bata pa si Anselmo naniniwala siyang ang langit ay nasa tuktok lamang ng mga kabundukan ng kanyang bayan dahil sa matayog talaga ang mga ito. Isang gabi nanaginip siya na nakaakyat sa tuktok ng bundok kung saan nakapunta siya sa mismong bulwagan ng Diyos. Nakita niya ang Diyos doon kasama ang katulong nito. Lumapit siya sa Diyos at nagbigay sa kanya ng isang puting tinapay, isang kaibahan sa normal na itim na tinapay ng kanyang bayan. Kinaumagahan ikinuwento niya ito sa kanyang mga magulang. Ang panaginip na ito ang magbibigay ng kahulugan ng buhay ni Anselmo sa kanyang paghahanap sa Diyos.

Nakapunta nga siya sa Le Bec sa monasteryo ng mga Benedikto. Doon ang inaakala niyang pamumuhay na payak at tahimik bilang isang monghe ay hindi pala magtatagal. Namumuno noon sa monasteryong ito si Lafranc na naging malapit na guro ni Anselmo. Sa katunayan si Anselmo ang pumalit sa kanya sa pamumuno nang maging arsobispo ng Canterbury sa Inglatera si Lafranc noong 1078. Nasa monasteryo na nga si Anselmo ngunit siya ay naging prior nito at napilitan siyang isantabi ang buhay pag-aaral para sa mas aktibong mga gawain. Kinailangan niyang pamunuan ang paaralang itinatag ni Lafranc kung saan ito ay magiging isa sa mga sentro ng edukasyon sa panahong mediyebal.

Ngunit nagsimula ang mas malalang problema ni Anselmo na nakaapekto sa pangarap niya ng isang tahimik na buhay noong 1092 sa kamatayan ng Arsobispo ng Canterbury. Sa panahong iyon na ang hari ng Inglatera ay si Haring William Rufus ay hindi niya pinayagan na may pumalit sa posisyon ng arsobispo upang makamkam niya ang lahat ng buwis. Sa pagkakataong iyon na bakante ang posisyon nasa Inglatera si Anselmo upang pangasiwaan rin ang mga lupain ng kanyang Orden. Biglaan namang nagkasakit si Rufus at inakala nito na siya ay pinaparusahan ng Diyos dahil sa pagiging sakim nito sa pera at hindi pagpayag sa pagkakahalal ng bagong arsobispo.

Sa pagkatakot ng hari, kanyang inihalal si Anselmo na noo’y para na ring bihag ng hari sapagkat hindi niya ito gustong pabalikin sa Le Bec. Ilang beses ring pinilit niyang makaalis pero siya ay hindi pinapayagan. Inihalal ng hari si Anselmo bilang bagong arsobispo. Tumanggi si Anselmo sapagkat wala itong pahintulot mula sa Papa. Ngunit pinilit si Anselmo at ginawa siyang arsobispo noong Marso 6, 1093. Lubos pa rin ang pagpoprotesta ni Anselmo dahil hindi kinikilala ng Roma ang kanyang pagkakahalal hanggang hindi niya natatanggap ang pallium; ibinibigay ito ng Papa tanda ng pakikiisa ng obispong tatanggap nito sa Roma. Ninais niyang makapunta ng Roma upang tanggapin ang pallium ngunit tumanggi si Rufus dahil hindi niya kinikilala ang kapangyarihan ni Papa Urban II. Ngunit gumawa si Rufus ng paraan upang maibigay sa kanya ang pallium upang di lamang makaalis si Anselmo.

Nakipagkasundo si Anselmo na ibalik ang mga kinuha ni Rufus mula sa Simbahan kung gusto niyang manatili dito. Sa loob ng isang taon, muling humingi si Anselmo ng pahintulot upang pumunta ng Roma at humingi ng payo mula sa Papa. Pagkatapos ng isang mahirap-hirap na pagpupumulit sa hari, pinayagan na si Anselmo ngunit pagkaalis pa lamang nito muli na naming kinamkam ng hari ang mga buwis. Hindi na siya muling nakabalik sa Inglatera hanggang sa kamatayan ng hari. Sa pagbabalik ni Anselmo lubos na kagalakan siyang tinanggap muli ng mga tao.

Kung si Rufus ay ganid at sakim sa kayamanan, ang sumunod naman na si Henry I ay ganid sa kapangyarihan. Iniutos niya na siya lamang ang may kapangyarihan sa buong kaharian na magtalaga ng mga bagong obispo kaya naman pati si Anselmo ay ninais niya muling italaga sa ilalim niya. Hindi pumayag si Anselmo at dahil dito napilitan si Anselmo na iwanan ang Canterbury at pumunta sa Lloyns, Pransya upang doon siya pansamantalang mamuno.

Ilang beses din nagpadala ng mga kinatawan si Henry sa Papa upang pabalikin si Anselmo. Kaya naman upang matapos na ito, isinagawa na ni Papa Paschal ang pagpataw ng ekskumunikasyon kay Henry. Dahil naman sa takot ni Henry agad niyang iwinaksi ang pakikialam niya sa Simbahan. Bilang kapalit naman, ipinahayag ng Papa na kikilalanin ng mga obispo ang kapangyarihan nito bilang hari.

Sa mga huling taon niya, ginampanan niya ang mga gawaing pastoral at ipinagpatuloy ang mga pag-aaral at mga pagsusulat sa isang tahimik na pamumuhay gaya ng kanyang ninais. Ilan lamang sa mga nagawa niya ay ang Proslogion at Monologion. Malaki ang pasasalamat ng Simbahan sa pagiging matapang niya sa pagharap sa mga problema ng pagtatalaga sa posisyon niya, ngunit mas hinahangaan pa ang kanyang mga sulating panteolohikal. Dahil sa mga gawain niya tungkol sa sariling pagpapasya at kapalaran, ang misteryo ng pagiging tao ng Diyos, at ang pinakatanyag na pagpapatunay niya sa katotohanan ng Diyos, inihanay siya sa pagitan nina Agustin at Tomas Aquino.

Namayapa siya sa Canterbury noong Abril 21, 1109. Naging santo si Anselmo noong 1494 sa pamamagitan ni Papa Alexander VI at ginawaran ng pagiging Doktor ng Simbahan noong 1720 ni Clement XI. Ngayong taon na ito ipinagdiriwang ang ika-900 taong anibersaryo ng kanyang kamatayan.

MGA ARAL SA BUHAY NIYA
• Pagnanais ng buhay ng tahimik na pagdarasal
Ipinakita ni San Anselmo ang walang hanggang pagnanais niyang mamuhay sa isang tahimik na pagdarasal sapagkat alam niyang sa pamamagitan nito mas makikita niya ang kalooban ng Diyos para sa kanya. Dahil sa pagnanais niya ng ganitong pamumuhay naging bunga nito ang mga pinakadakilang gawain niya: ang Proslogion at Monologion.
Matatagpuan lang natin ang mga hinahanap ng ating puso kung magiging tahimik tayo at makikinig sa Diyos.

• Pagkakaroon ng pananampalatayang naghahanap ng pang-unawa
Ang tunay na pananampalataya ay naghahanap ng pang-unawa sa mga bagay na pinaniniwalaan nito. Paano nating masasabing tunay ang ating pananampalataya kung hindi naman natin nauunawaan ang mga pinaniniwalaan natin? Paano natin maipaglalaban ito kung kulang ang ating pang-unawa dito?

• Pagiging matapang upang magampanan kung ano ang tama
Hindi lahat ay nagkakaroon ng tapang ng loob upang suungin at labanan ang mga maling pamamalakad. Palagi na lang na magiging tahimik o magbibingibingihan tayo sa mga nangyayari sa ating paligid. Hindi na maipagkakaila pa na ang bansa natin ay napakainit sa mga usaping pampulitika. Mananahimik lamang ba tayo? Ang mga banal ay mga tagapagtanggol sa katarungang panlipunan. Ang kanilang pagiging banal ay hindi maaaring maihiwalay sa lipunan. Ginamit mismo ng Diyos ang mga banal kagaya ni San Anselmo upang magkaroon ng pagbabago sa lipunan.

• Pagiging masunurin sa ibinigay na tungkulin
Hindi naging hadlang ang kagustuhan ni Anselmo na maging isang pangkaraniwang monghe na namumuhay nang tahimik upang tanggapin niya ang mga tungkuling ipinagkatiwala sa kanya. Ginampanan niya ang pagiging arsobispo at naging masunurin sa Papa.
Ganoon rin sana tayo. Bilang bahagi ng lipunan at Simbahan, mayroon tayong mga responsibilidad na kailangang gampanan. Makisangkot tayo at huwag magkibit-balikat!


TAWAGAN MO SIYA

PRAYER TO SAINT ANSELM


We beseech The, O Lord, that blessed Anselm, Thy Bishop and illustrious Doctor may approach to pray for us, that these Thy sacrifices may bring us salvation. Through our Lord Jesus Christ, Thy Son, Who lives and reigns with Thee in the unity of the Holy Ghost, one world without end. Amen.


Reference:
dailycatholic.org, wikipedia.org, victorclaveau.com, Anselm: The Joy of Faith by William H. Shannon

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP