KILALANIN NATIN SIYA
Maliit lamang ang kaalaman tungkol sa buhay ni Pedro at sa katunayan hindi pa rin matukoy ang tunay na pinagmulan niya - maaaring Cebu, Bohol, o Iloilo. Lumabas lamang ang alaala ni Pedro noong Oktubre 6, 1985 nang itanghal na Beato si Padre Diego Luis de San Vitores, isang paring Heswita na naging pinuno ni Pedro noon.
Batay sa mga kasulatan, si Pedro ay nag-aral sa Loboc, Bohol kasama ang iba pang kabataan ng Katekismo, Espanyol, at Latin sa pamamahala ng mga Heswita. Karaniwang nagiging mga sakristan o katekista ang mga tulad nila sa mga bayan-bayan kasama ang mga paring Heswita. Ngunit iba ang kapalaran nina Pedro at 16 pang kabataan sapagkat sila ay naatasang sumama sa isang ekspedisyon sa Islas de los Ladrones, na tinawag ring Marianas (Guam sa ngayon), sa ilalim ni Padre Diego Luis de San Vitores noong Hunyo 18, 1668. Ang Guam noon ay sakop ng Diyosesis ng Cebu.
Sa una, tagumpay ang misyon dahil nagawa nilang binyagan ang higit 13,000 katutubo at nakapagpatayo pa ng isang simbahang ipinangalan kay San Ignacio de Loyola. Ngunit hindi maiiwasan ang pagkakaroon ng mga suliranin.
Isa na rito ang paninira ni Choco, isang Intsik, laban sa mga misyonero na sinabing may lason ang tubig na ginagamit sa pambibinyag at pati rin ang alak na ginagamit sa Misa at dahil dito nalito ang mga katutubo. Isa rin ang paghihimagsik ni Hurao na nagpahina sa misyon. Ngunit naayos rin ang mga gusot.
Ngunit noong Abril 2, 1672, isinama ni Padre Diego si Pedro, bilang pinagkakatiwalaan niya at pinakamagaling na sakristan, upang binyagan ang mga bagong silang na sanggol sa Agadna. Ngunit sa daan nakaalitan nila si Matapang, isang katutubong naimpluwensiyahan ng mga Macanjas (mga mangkukulam) na kumokontra sa mga Kristiyano. Kapapanganak lamang ng asawa niya at inalok siyang binyagan ang anak nila ngunit tumanggi ito at itinaboy ang pari’t sakristan. Pinalipas na lang muna nina Padre Diego ang galit niya.
Subalit hindi si Matapang. Gumawa siya ng plano upang mapatay ang dalawa. Hinikayat niya si Hirao, na noong una ay tumanggi dahil sa kabaitang ipinakita ng pari sa kanya, ngunit sa huli ay umayon din kay Matapang.
Dumating sina Matapang sa lugar nina Pedro at bigla silang inatake. Umilag si Pedro sa mga panang papalapit sa kanya. Sinubukan ni Pedro na lumapit sa pari upang maprotektahan ngunit isang pana ang tumusok sa dibdib niya. Hindi na nagawang protektahan ng pari si Pedro. Biniyak ng dalawang katutubo ang mga bungo ng dalawa at itinapon lamang sila sa dagat.
Umabot sa Maynila ang madugong balita noong Mayo 3, 1672. Simula noong dekada 80 inumpisahan sa Archdiocese of Cebu ang pag-aaral sa kaso ni Pedro. Sa katunayan sa panahong ito dumami ang mga sumusulat tungkol sa buhay niya. Ngunit sa pamamagitan ng Archdiocese of Manila naisulong ang kanyang Cause. At noong taong 2000, ang taon ng Dakilang Jubileo sa pagpapala ng Panginoon itinaas ni John Paul II sa pagiging beato si Pedro Calungsod kasama ang iba pa mula sa iba’t ibang sulok ng mundo.
MGA ARAL SA BUHAY NIYA
Si Pedro ay sumama sa misyon sa gulang na 14 taon lamang at ibinuwis niya ang kanyang buhay sa gulang na 18 taon. Hindi lamang siya isang bayani ngunit isang martir dahil mas pinili niyang mamatay sa tabi ng kanyang pinunong pari kaysa talikuran ito. Sa mga kuwento ng kanyang buhay hindi nabanggit ang pagkakaroon niya ng mga kahinaan. Naging pundasyon ng kanyang kabutihan ang pagmamahal sa Diyos at sa kapwa. Isinabuhay niya ang pagiging tapat, masipag, masikap, at higit sa lahat matatag sa kanyang pananampalataya.
“…Inialay niya ang kanyang kabataan sa paglilingkod sa Diyos…iniwan niya ang kanyang pamilya upang tanggapin ang pagsubok sa kanya ni Padre Diego…Tinanggap naman niya ito nang buong tapang…at sa harap ng kamatayan hindi niya tinalikuran si Padre Diego…na nagpapakita lamang na siya ay isang ‘mabuting sundalo ni Kristo’…Minahal niya ang Diyos at kahit sa kaunting panahon nakamit niya ang perpeksyon ng buhay at naging makabuluhan ang buhay niya dahil nagamit niya ito sa mabuting paraan,” mga pangungusap ni John Paul II noong Beatification Ceremony ni Pedro sa Vatican.
Payak lamang ang pamumuhay ni Pedro. Namuhay siya tulad ng isang pangkaraniwang kabataan. Ngunit dahil sa pagiging tapat at masunurin sa kanyang tungkulin naipakita niya ang kanyang pagmamahal sa Diyos at sa kapwa na siyang nagdala sa kanya sa daan patungong kabanalan.
TAWAGAN MO SIYA
Almighty God, by whose gift Blessed Pedro the Martyr witnessed to the Gospel, even to the shedding of this blood: grant, by his example and intercession, that we too may live for you, boldly, steadfastly, confessing your name through our Lord, Jesus Christ, your Son, who lives and reigns with you and the Holy Spirit, one God, forever and ever. Amen.
(Mark Rodney P. Vertido)
Resources: www.wikipedia.org,www.geocities.com/frogbites/pedrocalungsod.html,
www.fya.org/spirituality/pedrocalungsod.htm
No comments:
Post a Comment