Powered by Blogger.

Sunday, 1 June 2008

Si San Hannibal Maria Di Francia



KILALANIN NATIN SI SAN HANNIBAL MARIA DI FRANCIA
Idalangin nga ninyo sa Panginoon ng anihan na magpadala siya ng mga manggagawa sa kaniyang anihan. (Mateo 9:38)

Ito ang talata ng Bibliya na tinatawag na “Rogate.” At ito ang talata sa Bibliya na sandigan ni San Hannibal Maria Di Francia sa kanyang paniniwalang ang mga bokasyon sa Simbahan ay hinihingi mismo mula sa Panginoon.

Si Hannibal ay ipinanganak sa isang aristokratang pamilya sa Messina, Italya noong Hulyo 5, 1851. Ang ama niyang si Francisco ay isang kabalyero, Papal Vice-Consul at Honorary Captain ng hukbong-dagat at ang kanyang ina naman na si Anna Toscano ay isa ring aristokrata. Si Hannibal ang pangatlo sa apat na magkakapatid. Namatay ang kanyang mahal na ama noong siya ay labing limang buwang gulang pa lamang.

Pumasok siya sa Kolehiyo ng San Nicolas ng mga paring Cisterian. Sa tulong ng kanyang Spiritual Director natuto siyang mamuhay bilang isang deboto. Isa sa kanyang debosyon ang Eukaristiya at dahil sa kanyang masidhing debosyon dito siya ay pinayagang tanggapin ang komunyon araw-araw, isang hindi pangkaraniwang bagay sa mga panahong iyon.

Sa gulang na labing-pito, habang siya ay nasa isang mataimtim na pagdarasal sa harap ng Banal na Sakramento, natanggap niya ang “rebelasyon ng Rogate.” Napagtanto niya na ang mga bokasyon sa Simbahan ay matatanggap lang natin sa pamamagitan ng pagdarasal para sa mga ito. At kanyang nalaman na ang rebelasyong ito ay matatagpuan mismo sa Bibliya (Mt. 9:38, Lk. 10:2) na siyang magiging sandigan ng kanyang buong buhay.

Isang magaling na mag-aaral si Hannibal ngunit noong maramdaman niya mismo na siya ay may bokasyon ibinigay niya ang kanyang sarili para mapagsilbihan ang Diyos. Bago siya maordinahan noong Marso 16, 1978 nakilala niya ang isang pulubing si Francesco Zancone na nagbigay daan upang malaman niya ang tungkol sa Case Avignon, isang maliit na pamayanan ng mga pinakamahihirap sa Messina. Ito ang umpisa ng kanyang masidhing pagmamahal sa mga mahihirap at mga ulila.

Sa tulong at pahintulot ng kanyang obispo, namuhay siya sa piling ng mga tao sa Case Avignon. Itinuring niya ito bilang isang pamayanan ng mga tupang walang pastol. Noong 1882, sinimulan ni Hannibal ang kanyang mga bahay-ampunan na tinawag niyang “Anthonian Orphanages” dahil inilagay niya si San Antonio de Padua bilang patron ng mga ampunan na ito. Ginusto niyang makipag-ugnayan sa lahat ng mga mahihirap at mga ulila sa buong mundo at ang kasagutang nakita niya ay ang “Rogate.” Nakita niyang ang “Rogate” ay hindi lamang isang rekomendasyon ni Kristo ngunit isang kautusan at dagliang solusyon sa lahat. Si Hannibal ang isa sa mga pinakaunang naglahad na ang mga simpleng gawain ng mga dedikadong laiko, tulad ng mga guro, mga magulang at iba pa, ay isang bokasyon.

Para mas maipagpatuloy niya ang kanyang mga gawain sa Simbahan, itinatag niya ang dalawang kongregasyon. Una niyang itinatag ang “Daughters of Divine Zeal” noong 1887 at ang mga “Rogationist Fathers” pagkalipas ng sampung taon. At sa mga kongregasyong gusto niyang isabuhay nila ang “Rogate” bilang ikaapat na “religious vow.”
Ang dalawang kongregasyon niya at ang mga Anthonian Orphanages ay naging mga institusyon ng panalangin para sa mga bokasyon lalo na sa pagpapari at pagmamadre. Nananalangin sa Diyos para sa walang hanggang pagbibigay Niya ng mga bokasyon sa Simbahan.

Itinatag niya rin ang “Holy Alliance,” isang samahang nagdarasal para sa mga bokasyon na para sa mga kleriko at ang “Pious Union of the Evangelical Rogation,” na para naman sa lahat. Ipinalabas rin niya ang peryodikong “God and Neighbor,” na naglalayong maibahagi sa lahat ang kanyang mga kaisipan.

Namatay si Hannibal noong Hunyo 1, 1927 sa Messina. At sa mga panahong iyon, noong nabubuhay pa lamang siya, itinuturing na siyang isang Santo. Kaya nang mamatay siya sinabi ng mga tao na “Ating puntahan ang natutulog na Santo.” Nakalagak ang kanyang mga labi sa Simbahan ng “Evangelical Rogation,” na kanyang ipinatayo at kung saan niya ninais na mailibing.

Nagsimula ang Cause ng kanyang Canonization sa Messina noong March 8, 1980. At noong Mayo 10, 2004 sa pamamagitan ni Servant of God, Pope John Paul II ipinahayag na siya ay isa ngang ganap na Santo.

Ang kanyang kaisipang “Rogate” ang siyang naging dahilan ng pagpapasinaya ni Pope Paul VI noong 1964 ng pinakaunang “World Day of Prayer for Vocations.” Ang kanyang mga kongregasyong itinatag noon ay kasalukuyang nasa lahat ng kontinente. Namumuhay sila sa pagdarasal para sa mga bokasyon sa pamamagitan ng mga vocation centers, mga printing houses, mga bahay ampunan, mga paaralan para sa mga pipi’t bingi, mga home for the aged at sa mga single mothers, at pati rin ang pagpapatakbo ng mga paaralang propesyonal at bokasyonal.

MGA ARAL SA BUHAY NI SAN HANNIBAL
Si San Hannibal ay isang natatangi at huwarang halimbawa ng pagiging isang masunuring tagapaglingkod ng Panginoon. Ipinakita niya ang katangian ng pagiging bukas palad sa Diyos. Tinanggap niya ang pagtawag sa kanya na gamitin ang kanyang katalinuhan upang pagsilbihan si Kristo. At sa kanyang pagiging pari, matagumpay niyang nagampanan ang tawag sa kanya na maging tagatipon ng mga kaluluwang naliligaw sa pamamagitan ng pangangalaga sa mga ulila at mga mahihirap.

Pinatunayan ng kuwento ng buhay niya ang kahalagahan at kapangyarihan ng taimtim na na pagdarasal. Napatunayan niya na sa taimtim na pagdarasal makukuha natin ang mga kasagutang gusto nating malaman mula sa Diyos at tanging ditto lamang natin makakausap nang lubusan ang Diyos.

Sa kabuuan ng buhay ni San Hannibal, umikot ito sa mga bokasyon. Sa pamamagitan ng rebelasyon ng Rogate, ipinaparating na ang bokasyon ay mahalaga. Mahalaga hindi lamang para sa Simbahan ngunit pati na rin sa indibidwal na tao. Sadyang napakahalaga nito sa Simbahan dahil ang Simbahan, tayong mga kasapi ng Katawan ni Kristo, ay nangangailangan ng mga taong magpapastol sa mga nilalang ng Diyos patungo sa Kanya. At isa itong pagtawag para ipagdasal ang mga bokasyon sa Simbahan.

Sa paglalahad naman niya sa bokasyon ng bawat indibidwal, ipinaparating sa bawat tao na anumang propesyong kanyang piliin ay isang bokasyon. Ipinapakita na kahit ang mga sekular na gawain ay maituturing na bokasyon basta ito ay ating ginagampanan nang buong puso at buong katapatan. Sapagkat ang mga propesyong sekular ay kinakailangan din ng lipunan, ng Simbahan mismo. At tinatawag ang bawat indibidwal na ipagdasal ang kanyang bokasyon.

Mahalaga ang pakikinig hindi lamang sa mga sinasabi ng mga magulang kundi sa mga sinasabi sa atin din ng Diyos. Ang bokasyon ay isang imbitasyon na dapat nating pakinggan, ipagdasal at higit sa lahat tugunan. Iyan ang itinuturo sa atin ni San Hannibal. Ang bokasyon ay hindi lamang nakatuon sa pagpapari o pagmamadre kundi pati rin sa pag-aasawa at ang pagiging nag-iisa sa buhay. Alinman ang iyong piliing bokasyon, isa lang ang patutunguhan, ito ay ang pag-ibig sa Diyos at sa kapwa.
San Hannibal, turuan mo kaming makinig, manalangin at tumugon sa aming bokasyon na mahalin ang Diyos at aming kapwa. Amen.

TAWAGAN MO SIYA

PRAYER TO THE INTERCESSION OF
ST. HANNIBAL MARIA DI FRANCIA


Divine Heart of Jesus,
You chose St. Hannibal Maria Di Francia
to be an apostle of prayer for vocations and
endowed him with immense charity that
made him father of the poor and the orphaned,
I beg You to grant me through his intercession
this grace that I am so much in need of
(state here your petition)
For your greater glory and the
salvation of my soul. Amen.

(Mark Rodney P. Vertido and Fra. Dave Ceasar de la Cruz)

Resources: http://en.wikipedia.org/, http://www.vatican.va/,
Daughters of Divine Zeal, Our Lady of Divine Zeal Delegation (2006).
Prayer to the intercession of St. Hannibal Maria Di Francia. Diyos at Kapwa, vol. 1, p. 8.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP