KILALANIN NATIN SIYA
Si Ivan Merz ay ipinanganak sa Banja Luka, Bosnia, noong Disyembre 16, 1896, at nabinyagan noong Pebrero 2, 1897. Siya ay pumasok ng elementarya at mataas na paaralan sa Banja Luka. At pagkatapos ang isang maikling panahon ng pag-aaral sa akademiyang pangmilitar ng Wiener Noustadt, pumasok siya sa University of Vienna noong 1915. Pinapangarap niya ang magtuturo sa mga kabataan sa Bosnia. Kaya sumunod siya sa mga halimbawa ng kanyang propesor, Ljubomir Marakovic, na siyang tumulong kay Ivan upang matuklasan ang mga kalinangan at kaunlaran ng pananampalatayang Katoliko.
Noong Marso 1916, napasama siya hukbong military at napasama sa sa mga humarap sa mga Italyano, kung saan ginugol niya ang mas malaking bahagi ng dalawang taon simula noong 1917. Ang karanasan sa digmaan ang siyang naging daan para kay Ivan upang magkaroon ng malaking pagbabago at paglago sa kanyang ispiritwalidad. Ito rin ang nagbigay daan sa kanya upang magpasya na magtiwala sa Diyos para sa hinaharap niya at ibigay ang makakaya upang makamtan ang pagiging isang tunay na Kristyano.
Noong Pebrero 5, 1918, sinulat niya sa kanyang talaarawan: "Huwag kalimutan ang Diyos! Laging naisin na maging kaisa sa Kanya. Simulan ang bawat araw ng pagninilay-nilay at panalangin, kung maaari sa harap ng Banal Sakramento o sa misa. Sa oras na ito, pinagpapasyahan ang mga gagawin sa araw-araw, pagninilay sa mga kasalanan natin at paghingi ng tulong sa Diyos na nawa’y bigyan Niya tayo ng lakas upang maharap ang ating mga kahinaan. Ito ay isang bagay na kahila-hilakbot kung ang digmaang ito ay walang kahulugan para sa akin! Ako ay dapat magsimula ng isang buhay ng pagbabago mismo sa panibagong pag-unawa sa Katolisismo. Ang Panginoon lamang ang maaaring makatulong sa akin, sapagkat walang magagawa ang tao sa pamamagitan ng sarili niya lamang.” Sa pagkakataong ito, isinumpa rin ni Ivan ang pamumuhay ng panghabangbuhay na kadalisayan.
Pagkatapos ng digmaan, ipinagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral sa Vienna (1919-20), at pagkatapos ay sa Paris (1920-22). Noong 1923 kumuha siya ng digri sa pilosopiya. Ang kanyang thesis ay pinamagatang "Ang Impluwensiya ng Liturhiya sa Manunulat na Pranses” (The Influence of the Liturgy to the French Authors). Siya ay naging isang propesor ng wika at panitikang Pranses at naging kapuri-puri sa dedikasyon sa mga mag-aaral at sa kanyang tungkulin bilang isang guro.
Sa kanyang mga bakanteng oras, nag-aaral siya ng pilosopiya at teolohiya upang mapalalim pa ang kanyang kaalaman sa mga dokumento ng Magisterium (Katuruan) ng Iglesia.
Kilala si Ivan sa kanyang mga interes sa mga kabataan at sa kanilang paglago sa pananampalataya at kabanalan. Siya ang nagsimula sa "League of Young Croatian Catholics" at sa "Croatian League of Eagles" bilang bahagi ng Croatian Catholic Action Movement. Ang motto nila ay: "Pagpapakasakit, Eukaristiya, Apostolado".
Para kay Ivan, ang organisasyong ito ay para sa pagbuo ng isang grupo na ang layunin ay ang paglago sa pananampalataya at kabanalan. Ang isa sa mga saklaw ng mga layuning ito ang pagpapanibagong pang-Liturhiya, kung saan si Ivan ang isa sa mga naunang na nagsulong sa Croatia.
Bilang isang Katolikong intelektwal, nagabayan ni Ivan ang mga kabataan at mga may-edad patungo kay Kristo at sa Kanyang Iglesia sa pamamagitan ng kanyang mga sulatin at mga pagtitipon. Hinangad rin niya na maituro sa kanila ang pagmamahal at buong pusong pagsunod sa Santo Papa at sa Simbahang Katolika.
Sa harap ng anumang hindi pagkakaunawaan at pahihirap, nagpakita si Ivan ng kahanga-hangang pasensya at pagiging kalmado, mga bunga ng kanyang patuloy na pakikiisa sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin. Inilarawan siya ng mga taong nakakakilala sa kanya bilang isang taong iniaalay ang kanyang “puso at isipan sa Diyos.” Kumbinsido siya na ang pinakamabisang paraan upang iligtas ang mga kaluluwa ay sa pamamagitan ng paghihirap. Inialay niya sa Diyos ang lahat ng kanyang paghihirap sa pisikal at moral na lebel, lalo na para sa pagtatagumpay ng kanyang apostolikong gawain.
Ilang sandali bago ang kanyang kamatayan, inialay niya ang kanyang buhay para sa mga kabataan ng Croatia. Sa maikling salita, naniniwala si Ivan na ang kanyang tunay na bokasyon lamang ay "ang pananampalatayang Katoliko".
Namatay si Ivan Merz noong 10 Mayo 1928 sa Zagreb. Siya ay 32 taong gulang lamang. Nagsimula ang proseso ng beatipikasyon at kanonisasyon niya noong 1958. Naging beato siya noong Hunyo 22, 2003 sa Banja Luka, Croatia sa pamamagitan ni Papa Juan Pablo II. At noong 2008 sa pamamagitan ng Postulator ng kanonisasyon, hinirang si Dave Ceasar Dela Cruz, ang Direktor ng CCS, bilang Vice-Postulator para sa Pilipinas. Nagsisilbing tanggapan ang CCS para sa Vice-Postulation ng Pilipinas.
Bilang pagpupugay ng CCS sa kanyang patron, itinatag kamakailan ang Blessed Ivan Merz Scholarship Program kung saan tinutulungan ng CCS sa pamamagitan ng mga mabubuting tagasuporta ang ilang mga kabataan upang makapagpatuloy sa pag-aaral.
MGA ARAL SA BUHAY NIYA
• Pagpapahalaga sa Edukasyon
Isang napakahalagang bahagi ng buhay ng isang tao ang edukasyon sapagkat ang edukasyon ang isa sa kanyang mga sandata para sa buhay. Pinahalagahan ni Ivan ang edukasyon. Isang kakaibang kabanalan ang pagpapahalaga sa mga bagay na makakapagpaunlad sa ating sarili. Higit kailanman ang Diyos mismo gusto tayong umunlad mula sa ating mga sarili.
Ang pagpapahalaga sa edukasyon ay isang kabanalan para sa isang mag-aaral sapagkat ito ay pagbibigay ng tugon at pagtupad sa mga tungkuling sa kanya ay ibinigay. Napakapayak na kabanalan ang pagtupad sa mga tungkulin. Ito ang isang paghimok sa atin ng Simbahan, ang paggawa ng buong puso ang mga pangkaraniwang mga gawain sa ating buhay. Ang kabanalan ay hindi nagagawa lamang sa pamamagitan ng mga kamangha-manghang mga gawain, higit dito ang pagganap sa mga pinakapayak na Gawain at tungkulin bilang isang mabuting tao, bilang isang mabuting mag-aaral, bilang isang mabuting Kristiyano.
• Pagbatid na ang Bokasyon niya ay ang pagiging Katoliko
Ang lahat ng tao ay tinatawag ng Diyos sa isang bokasyon. Isa sa mga pagtawag niya ay ang tayo ay maging banal. Ang pagbatid na ang bokasyon ng isang tao ay para maging Katoliko ay isang hindi pangkaraniwang bagay. Karamihan sa atin naipamulat o pinili lamang ang maging isang Katoliko.
Kung minsan dahil ito na ang nakamulatan napipilitan na lang ang iba at ang iba naman mas pinipili na maging Katoliko dahilan sa pagiging bias. Pero ang mabatid na ang bokasyon mo ay ang maging isang Katoliko ay higit sa mga ito. Diyos mismo ang tumawag sa kanya para maging Katoliko. Ganito rin ang hinihiling niya sa atin, ang maging tapat sa Simbahan Niya dahil ito ang Kanyan katawang Mystiko. Ano ang pagtawag ng Diyos sa atin?
• Pagtutuon ng pansin sa pakikipagkaisa sa Diyos sa pamamagitan ng pananalangin
Ang panalangin pa rin ang pinakamabisang paraan upang tayo ay makipag-usap sa Diyos. Ito ang pamamaraang Kanyang ibinigay sa atin upang makipag-ugnayan tayo sa Kanya.
Ngunit sa panahon ngayon, mukhang ang pagdarasal ay nalilimutan nang pahalagahan ng mga tao. Iyan na rin siguro ang dahilan kaya hindi na rin marinig pa ng tao an gang pagtawag Niya sa atin.
Pero isang halimbawa si Ivan sa pagdarasal. Ang pagdarasal sa kanya ay hindi lamang isang pakikipag-usap sa Diyos kundi isang paraan upang makipagkaisang loob sa Diyos. Napakagandang gawain ng palaging pagdarasal bago gawin ang isang gawain. Pero ang pinakamaganda sa lahat ay ang pagiging isang buhay na dasal. Dito tayo magiging isang tunay na kaisa ng Diyos.
• Pagpapatunay na ang Kabataan ay may mahalagang papel sa Simbahan
Isang napakasamang impresyon para sa mga kabataan na sila ay walang magagawang iba sa simbahan kundi ang pagkanta sa choir o kaya naman ay maging sakristan lamang ng pari. Hindi ganito ang pagtingin ni Ivan sa mga kabataan, naniniwala siya na ang kabataan ay dapat mahubog sa ating pananampalataya sapagkat sila ang kinabukasan ng ating Simbahan.
Sila din ay hindi lamang para sa choir o kaya mga sakristan. Tulad ng bawat matatandang nagsisilbi sa Simbahan sapagkat ang mga kabataan rin ang daan upang mahikayat ang kanilang kapwa kabataan upang makinig sa katuruan ng Simbahan. Sila rin ay may ginagampanang mahalagang papel sa ebanghelisasyon ng mundo.
• Ang Kabanalan ay para sa lahat
Ang kabanalan ay para sa lahat hindi lamang sa mga taong Simbahan kundi para sa lahat ng tao. Bagama’t karamihan sa mga nagiging Santo ngayon ay mga relihiyoso o pari, sa pagpapakita ni Ivan napatunayang ang layko rin ay maaaring maging Santo sa pamamagitan ng pagganap ng mabuti sa lahat ng mga gawain tayo ay maaaring maging isa sa mga Banal sa Langit.
Ito ang tawag sa atin ng Diyos ang maging banal.
Diyos naming Ama, si Beato Ivan ay naging tapat sa kanyang mga pangako sa Sakramento ng Binyag, sa pagtugon sa tawag ng kabanalan, at sa pagtulong upang palaguin ang pananampalataya at paghikayat ng totoong Kristiyanong pamamaraan ng pamumuhay ng mga kabataan. Sa pamamagitan ng kanyang mga kabutihang nagawa at kabanalan, dinggin mo ang aming pagsamo upang kami’y maging mga tapat mong mga lingkod na naghahayag ng Mabuting Balita at nagsasabuhay nito. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan. Amen.
Para sa mga kahilingang natupad sa pamamagitan ni Beato Ivan Merz, mangyaring ipadala lamang sa:
Philippine Vice Postulation of Blessed Ivan Merz-
Confraternity of Catholic Saints
P.O. Box# 247 Araneta Center, Cubao, Quezon City, 1135 Philippines
E-mail: ccsphilippines@gmail.com
Reference:
ivanmerz.hr, vatican.va
No comments:
Post a Comment