KILALANIN NATIN SI SAN JOSEMARIA ESCRIVA
Si San Josemaria Escriva de Balaguer ay isang Espanyol na pari na isinilang sa Barbastro, Spain noong Enero 9, 1902. Ang tunay niyang pangalang Jose Maria Mariano Escriva y Albas. Siya ang pangalawa sa anim na anak at una sa dalawang anak na lalaki nina Jose Escriva y Corzan at Maria de los Dolores Albas y Blanc.
Una niyang natanto ang tawag sa kanya ng Diyos dahil sa mga nakita niyang yapak ng isang mongha sa niyebe. Para sa kanya, ang pinakamagandang paraan upang matugunan ang pagtawag na ito ay sa pamamagitan ng pagpapari. Pagkatapos niyang matanggap ang pahintulot ng kanyang ama para magpursige sa pagpapari, nag-aral siya sa pagpapari sa Lagrono at Zaragoza, Espanya. Siya ay naordihan bilang diyakono noong Diyembre 20, 1924 at bilang pari noong Marso 28, 1925; parehong naganap sa Zaragoza. Pagkatapos ng maikling panahon na pagkakadestino sa isang maliit na parokya, noong 1927, siya ay nagtungo sa Madrid kung saan siya ay nag-aral ng pagiging notaryo sibil sa isang unibersidad.
Mas nakita pa niya ang kalooban ng Diyos para sa kanya sa pamamagitan ng mataimtimang pagdarasal kaya noong Oktubre 2, 1928 kanyang itinatag ang Opus Dei. Ayon sa pagsasalaysay ni Escriva, natanto raw niya na kinakailangan niyang magtatag ng isang samahan ngunit alam niya na ang kanyang itatatag ay hindi niya gawa, na siya ay isang instrumento lamang ng Diyos. Kaya pinangalanan niya itong Opus Dei (Work of God).
Dumating ang Digmaang Sibil sa Espanya at kinailangang magtago ni Escriva upang matakasan ang pagpaparusa ng mga taong laban sa mga pari ngunit nanatili pa rin siyang naglilingkod sa mga Katoliko sa Espanya kahit alam niyang ito ay mapanganib para sa katulad niyang pari. Nang matapos ang Digmaang Sibil noong 1939 bumalik ulit siya sa Madrid at tinapos niya ang kanyang mga pag-aaral bilang Juris Civilis Doctor (Doctor of Civil Law).
Itinatag niya rin ang Priestly Society of the Holy Cross noong Mayo 14, 1943. Natapos rin niya ang Doctorate in Theology mula sa Lateran University sa Roma at dahil dito siya ay itinalaga bilang Tagapayo sa dalawang kongregasyon ng Vatican at naging miyembro ng Pontifical Academy of Theology. Ginawang Domestic Prelate si Escriva ni Papa Pio XII na nagbigay sa kanya ng titulong Monsignor at noong Hunyo 16, 1950 inaprubahan ng Papa ang Opus Dei bilang isang institusyon sa ilalim ng kapangyarihan ng Papa.
Nang dumating ang Second Vatican Council, siya ay kinonsulta ng mga cardinal hinggil sa ilang mahahalagang aspeto ng nasabing konsilyo. Maraming manunulat ng buhay niya ang nagsabing malaki ang naging kontribusyon niya sa Universal Call to Holiness, sa bahagi ng mga layko, at ang kahalagahan ng Misa bilang sentro ng buhay Kristiyano.
Nagkaroon ng mga mapanirang bali-balita noon sa kasagsagan ng paglago ng Opus Dei na ito ay isang panibagong uri ng maling pananampalataya o heresiya at may pagkamalihim sa mga impormasyon na maaaring maihalintulad sa mga Freemason. Sa katunayan sa mga panahon lang na ito naglabas ng mga impormasyon ang Opus Dei tungkol sa kanilang organisasyon. Sa paglabas ng mga mapanirang balita, ipinagtanggol naman siya ni Bishop Leopoldo Ejio y Garay na si Msgr. Escriva ay isang kahahanga-hangang pari at may paggalang at pagsunod sa kanyang obispo.
Si San Josemaria ay isang paring nanindigan na ang Misa ay ang “sentro at ugat ng interyor na buhay Kristiyano,” mga katagang sa paglaon ay ginamit mismo sa Vatican II. Nang dumating ang mga pagbabago sa Misa pagkatapos ng Vatican II, hindi siya nag-alinlangan at tinanggap niya ito ng may buong pagtalima. Si Escriva rin ay isang tagasagawa ng corporal mortification o pagpapahirap sa sariling katawan bilang isang uri ng penitensya. Minsan niyang sinabi na “ang kaligayahan ay naguugat sa krus” at “ang pagdurusa ay bunga ng pag-ibig.”
Malapitin siya sa mga pangkaraniwang tao at higit sa mga kababaihan. Naniniwala si Escriva na ang lahat ng mga nilikha ay pinabanal ng Diyos at lahat ng mga lugar ay maaaring maging tagpuan natin sa pakikipag-usap sa Diyos. Maraming mga karangalan ang nakuha ni Escriva, mga karangalan mula mismo sa monarkiya at pati na rin sa gobyerno sibil at isa rito ang pagbigay sa kanya ng titulong Marquis ng Peralta na ibinigay niya rin sa kapatid niya pagkatapos ng apat na taon. Ayon kay Escriva hindi niya tinatanggap ang lahat ng mga karangalang ito dahil ginusto niya ito at kahit minsan hindi niya pinahalagahan ang mga ito.
Si Escriva ay nakapagsulat rin ng mga libro at ang isa rito ay ang “The Way,” isa sa pinakabinabasang libro niya na naunang inilimbag noong 1937 sa pangalang “Spiritual Considerations”. Sinulat rin niya ang mga spiritual writings tulad ng “Holy Rosary,” “The Stations of the Cross,” at ang kanyang mga homilya.
Binigyan ni Josemaria Escriva ng mataas na pagpapahalaga sa Mahal na Birhen. Simula pagkabata siya ay palaging may dala-dalang rosaryo sa kanyang kamay. At noong siya ay naging pari tinatapos niya ang kanyang homilya sa pamamagitan ng isang dasal sa Mahal na Birhen. Sa katunayan isa sa mga instruksyon niya ang paglalagay sa bawat silid ng mga Opus Dei Center ng imahen ng Birhen.
Dahil sa kanyang pagmamahal kay Birheng Maria, minsan habang tinititigan niya ang isang larawan ng Birhen ng Guadalupe kung saan habang binibigyan nito si Juan Diego ng isang rosas, sinabi niyang “gusto kong mamatay sa ganyang paraan.” At noong ngang Hunyo 26, 1975, sa kanyang opisina sa Roma kung saan may larawan ng Birhen ng Guadalupe, pagkatapos niyang matingnan ito hindi inaasahang bumagsak siya sa sahig at namatay.
Sa kamatayan ni Escriva ang Opus Dei ay may kabuuan nang 60,000 kasapi sa halos 80 bansa ng mundo. Nagsimula ang masusing imbestigasyon para sa kanyang kanonisasyon noong Pebrero 19, 1981 sa Roma. Naging Beato si Josemaria Escriva noong Mayo 17, 1992. At sa pagdiriwang ng ika-100 taon ng kanyang kapanganakan inihayag siyang Santo noong Oktubre 6, 2002. Ang kapistahan niya ay tuwing Hunyo 26.
MGA ARAL SA BUHAY NIYA
Si San Josemaria Escriva ay isang larawan ng taong tapat sa Diyos. Tumalima siya sa kalooban ng Diyos. Buong pagtalima siyang sumangayon sa Diyos na siya ay gamitin upang maging daan sa pagkakatatag ng Opus Dei. Nasasabi sa Exodus na “Ang pakikipag- usap ni Yahweh kay Moises ay harap-harapan, tulad ng pakikipag-usap sa kaibigan” (33:11). Ayon kay Joseph Cardinal Ratzinger o mas kilala sa ngayon bilang Pope Benedict XVI masasabing si Escriva ay nakipag-usap sa Diyos “tulad ng pakikipag-usap sa kaibigan” at binuksan niya ang kanyang sarili para makapasok ang Diyos na nakapagpagalaw at nakapagpabago ng lahat ng bagay. Kung siya man ay tumutukoy sa pagiging banal, ito ay kanyang ibinatay sa pansarili niyang karanasan na hindi siya ang gumagawa ng mga hindi pangkaraniwang bagay kundi ang Diyos mismo ang gumagawa sa mga ito.
Sa homilya ni John Paul II sa kanonisasyon ni San Josemaria Escriva sinabi niyang “si San Josemaria ay isang dalubhasa sa pagdarasal at itinuring niya ang pagdarasal bilang isang hindi pangakaraniwang sandata upang matubos ang mundo. Ang mga bunga ng lahat ng gawain ay matatagpuan sa pagdarasal at sa masidhi at palagiang buhay sakramental.”
Ipinakita ni San Josemaria Escriva na hindi mahalaga ang mga makamundong bagay. Na ang lahat ng mga karangalan at mga materyal na bagay na maibibigay ng mundo ay walang saysay sa mata ng Diyos. Hindi sa mga bagay na ito maipapakita natin sa Diyos ang ating halaga sa Kanya kundi makikita lamang ang tunay nating halaga sa ating espirituwalidad.
Isa sa mga pinahalagahan ni San Josemaria ay ang pagmamahal sa Banal na Eukaristiya at sa ating Mahal na Birheng Maria. Ipinakita niyang sa Banal na Eukaristiya matatagpuan natin si Kristo at ito ay kinakailangang maging sentro ng ating buhay. Naipakita naman niya ang pagamamahal niya kay Maria sa pamamagitan ng palagiang pakikipag-usap niya sa Mahal na Birhen sa lahat ng gagawin niya.
Sa kanyang mga turo binigyang-diin niya ang kahalagahan ng mga gawain ng tao. Alam niyang ang ating mga gawain ay isang paraan sa ating pakikipagtulungan sa malikhaing paggawa ng Diyos. Ipinakita niya na ang ating mga gawaing pangkaraniwan ay ating magagawang banal kung ito ay ating gagampanan sa pamamagitan ng pagiging tapat sa paggawa ng mga gawaing naiatas sa atin. Ipinakita niya rin na sa pamamagitan ng paggawa kasama ng iba’t ibang tao, maaari natin silang mailapit sa Diyos sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga magandang ehemplo.
Sabi pa rin ni John Paul II na si San Josemaria ay “may masidhing pagmamahal sa Diyos. Mayroon siyang natatanging katangian upang tawaging Santo, ito ay ang katapatan sa paggawa sa kalooban ng Diyos hanggang sa huli. Ang bawat tao ay binigyan ng Diyos ng misyon sa mundo. Siya mismo hindi niya alam kung ano siya kung tataliwas siya sa kalooban ng Diyos at siya nga ay namuhay upang maabot ang kaloobang ito ng Diyos. Si San Josemaria ay namuhay sa mundo upang ipahayag na maaaring maging Santo ang lahat ng tao at bingyang-diin niya na maaaring matatamo natin ang kabanalan sa pamamagitan ng pagganap sa mga pangakaraniwang gawain natin” Dahil dito tinawag siya ng nasabing Papa bilang “Santo ng mga Pangkaraniwang Gawain.”
Kung inaakala natin na ang mga santo ay mga lumulutang, mga naghihimala, mga may sugat ni Kristo sa kanilang katawan, mga hindi naaagnas na bangkay, at iba-iba pang mga kababalaghang nakikita, hindi ganito ang isang santo. Ang isang santo ay isang ordinaryong tao na ginagawa ang kanyang mga ordinaryong tungkulin para sa ikaluluwalhati ng Diyos at sa kanyang ikababanal anuman ang kanyang estado sa buhay. Iyan ang turo ni San Josemaria, ang Kabanalan ay tunay na makakamtan. Simple lang ang kabanalan ayon kay San Josemaria, tulad ng sinabi ni St. Therese, “Doing your ordinary works extraordinarily with love.”
TAWAGAN MO SIYA
SAINT JOSEMARIA ESCRIVA
O God, through the mediation of Mary our Mother, you granted your priest St. JosemarÃa countless graces, choosing him as a most faithful instrument to found Opus Dei, a way of sanctification in daily work and in the fulfillment of the Christian's ordinary duties. Grant that I too may learn to turn all the circumstances and events of my life into occasions of loving You and serving the Church, the Pope and all souls with joy and simplicity, lighting up the pathways of this earth with faith and love. Deign to grant me, through the intercession of St. JosemarÃa, the favor of ... (make your request). Amen.
One Our Father, Hail Mary, and Glory be to the Father.
References:
http://www.josemariaescriva.info, http://en.wikipedia.org, http://www.escrivaworks.org, http://www.opusdei.us
No comments:
Post a Comment