Sundalo ni Kristo
KILALANIN NATIN SI SAN IGNACIO NG LOYOLA
Ipinanganak si San Ignacio, bilang si Iñigo Oñaz Lopez de Loyola, noong Disyembre 24, 1491 sa Azpeitia malapit sa Loyola, Espanya. Ang pagpapalit niya ng pangalan mula Iñigo patungong Ignacio (Ignatius) ay sinasabing isinagawa niya dahil ito ang pinakamalapit na katumbas sa wikang Italyano at Pranses.
Bunso siya sa labintatlong magkakapatid. Pitong taong gulang lamang siya nang yumao ang kanyang ina. Noong 1506, kinuha niya ang apelidong “de Loyola” bilang pag-alala sa lungsod ng kanyang kapanganakan. Naging sundalo siya sa ilalim ng Duke ng Najare at Viceroy ng Navarre. Sa ilalim ng Duke maraming digmaan ang kinaharap ni Ignacio kung saan kahit isang sugat ay wala siyang natamo.
Sa mga panahong iyon nasa tutok ng katanyagan si Ignacio. Ngunit sa isang digmaan laban sa mga Pranses noong Mayo 20, 1521, hindi inaasahang natamaan ang kanyang mga paa ng kanyon na naging dahilan ng pagkabali ng kanyang isang binti. At ito ang naging dahilan ng tuluyang pagtigil niya bilang isang sundalo.
Habang siya ay nagpapagaling, nagbasa siya ng mga aklat panrelihiyon. Dahil sa kawalan ng mga aklat panromantiko, nabaling siya sa pagbabasa ng tungkol sa buhay ni Kristo at mga santo lalo na kina San Francisco de Asis at iba pang mga monastiko. Dahil sa isang panaginip tungkol sa Birheng Maria, nagkaroon siya ng paglalakbay sa Marian shrine ng Monserat. Doon inialay niya ang kanyang mga armas at kalasag sa imahen ng Birhen. Nanirahan siya ng isang taon sa Manresa, minsan sa mga Dominiko o kaya ay sa mga kuweba. Sa panahong ito naganap ang pagbabago sa kanyang buhay saan naumpishan rin niya ang pagsusulat niya sa pinakatanyag niyang sulatin, ang Spiritual Exercises.
Nag-aral siya sa iba’t ibang unibersidad ng Europa ng higit labing-isang taon ngunit dumanas ng kahirapan sa pag-aaral niya dito. Sa Unibersidad ng Paris nakilala niya ang anim na magiging pinaka-unang magiging kasamahan niya sa Kapisanan ni Jesus (Society of Jesus) o mas kilala ngayon bilang mga Heswita - kabilang sa kanila si San Francisco Javier.
Kasama ang anim na kasamahan, noong Agosto 15, 1534 sa edad na 43 naitatag ang Kapisanan ni Kristo, isang kapisanan na nanunumpa na magiging masunurin sa Papa nang buong-buo. Sa taong 1537, tumungo mismo si Ignacio sa Roma upang hingin ang pahintulot ng Papa para sa bagong orden. Ibinigay ni Papa Pablo III noong Setyembre 27, 1540 ang pahintulot para maitatag ang orden ngunit ito ay limitado lamang para sa 60 miyembro. Naging pinakaunang Superior General ng mga Heswita si Ignacio. Sa kanyang panunungkulan mariing niyang tinutulan ang ideyalismo tungkol sa Anti-Semitism na naging suliranin niya sa loob ng orden lalo na sa Espanya. Bilang Superior, ipinadala niya ang kanyang mga kasama sa iba’t ibang bansa sa Europa upang magtatag ng mga paaralan. At ito ang isa sa mga tatak ng mga Heswita, ang de kalidad na edukasyon. Isa sa mga paaralang ito ay ang Georgetown University at sa Pilipinas ang Ateneo de Manila University. Sa panahong ring ito malaki ang naimbag ng mga Heswita laban sa Repormasyong Protestante.
Pagkalipas ng tatlong taon, noong Marso 14,1543 tinanggal ng Papa ang limitasyon sa bilang ng miyembro.
At noong 1554, isinulat ni Ignacio ang Konstitusyon ng mga Heswita kung saan ang sandigan nito ay ang personal na motto ni Igancio, Ad Majorem Dei Gloriam (For the greater glory of God).
Ang Spiritual Exercises ay nasulat mula 1522 hanggang 1524. Naglalaman ito ng mga meditasyon at mga panalangin na maaaring basahin mula 28 hanggang 30 araw na naglalayong mapalago at mapatatag ang mga paniniwala ns isang tao sa mga gawain ng mga Katoliko. Ayon kay Papa Pio XI, ito ay ang “pinakamagaling na panuntunang pang-espiritwal na gagabay sa kaluluwa tungo sa kaligtansan at perpeksyon.” Naipalimbag ito noong 1548.
Noong Hulyo 31, 1556, pagkatapos ng mahaba-habang panahon ng pakikibaka niya sa isang matinding karamdaman sa tiyan, yumao si Ignacio gulang na 65.
Higit 50 taon pagkatapos ng kanyang kamatayan, noong Hulyo 27,1609, ipinahayag ni Papa Pablo V ang kanyang pagiging beato. At noong Marso 12, 1622, ipinahayag ni Papa Gregorio XV ang pagiging santo ni Ignacio.
MGA ARAL SA BUHAY NI SAN IGNACIO
Pagiging sundalo sa ngalan ni Kristo
Si San Ignacio ang larawan ng isang taong handang magbago para sa Diyos. Nang dumating ang panahon na siya ay malumpo, nakita niya sa kanyang sarili na siya pala ay hindi lamang isang sundalo ng katanyagan ngunit siya rin ay isang sundalo ni Kristo. Maituturing mang isang napakakaraniwang pangyayari ang nagbigay-daan para sa kanyang pagbabago, masasabing kahanga-hanga siya dahil hindi niya pinalampas ang pagkakataong ito.
Ngayon, ilan ba sa atin ang nakakabasa nang mabuti sa mga ipinahihiwatig ng Diyos sa atin? Ang iba kapag dinaratnan ng mga matinding suliranin panay ang pagdarasal at pagsasabi ng mga pangako sa Diyos ngunit sa huli hindi rin ito natutupad. Ang iba naman kahit ano pang suliranin ang dumating hindi sila kumikibo at nagmimistula silang nagtataingang-kawali sa harap ng Diyos. Ilan nga ba sa atin ang handang maging sundalo ni Kristo?
Pagiging masunurin sa Papa
Ito ang natatanging katangian sa mga Heswita, ang pagiging masunurin sa Papa na kahit saan sila ilagay nito ay susunod sila nang walang alinlangan. Ito ang naging buhay ni San Ignacio - ang walang humpay na pagsunod sa Papa. At sa pamamagitan nito naipakita niya ang kanyang pagiging sundalo ni Kristo.
Marami sa mga Katoliko ngayon ang halos hindi na kilala ang Papa. Maaaring kilala nila siya ngunit hindi alam ang kahalagahan ng pagkakaroon nating mga Katoliko ng isang Papa. Kung minsan nakikita ang Papa bilang ang pinakamataas na pinuno ng Simbahan lamang ngunit di nila nalalaman na ang Papa ay ang kahalili ni Kristo dito sa lupa.
At kahit mismong sa loob ng Simbahan may mga paring hindi na alam ang pagsunod sa Papa dahil sa kanilang pansariling opinyon. Dapat maipaintindi na ang Simbahan ay hindi para lamang sa iyo o sa akin kundi ito ay para sa lahat sapagkat ang Simbahan ay isang komunidad. At ang Papa ang sumisimbolo sa pagiging iisa nating mga Katoliko.
Walang takot na pagtatanggol sa Katolisismo
Sa panahon ni San Ignacio, naganap ang pinakamalaking pagkakawatak-watak ng mga Kristiyano dahil sa mga iba-ibang paniniwalang nagsulputan noon. Naganap sa panahong iyon ang Repormasyong Protestante. Ngunit malaki ang papel na ginampanan ni San Igancio kasama ang mga Heswita sa pagsupil dito. Hindi siya natakot sa mga Protestante na sa mga panahong iyon ay nagsasabing maling-mali ang Katolisismo.
Nasuway man ni San Ignacio ang Repormasyong ito, nararamdaman pa rin natin hanggang sa ngayon ang lamat na dulot nito. Lubhang napakarami na nga mga denominasyong Kristiyano. Ngunit kahit napakarami na ay nananatiling pinakamarami ang mga Katoliko, mas marami ng ilang beses kaysa sa mga iba.
Ito ang hamon sa mga Katoliko, handa rin ba tayo sa mga pagkakataong masusubok ang paniniwala natin hindi lang ng mga suliranin kundi ng mga taong nanghihikayat sa atin sa ibang paniniwala? Ilan sa atin ang tatayo at magtatanggol sa ating paniniwala? Ang lahat ng ito ay tumutumbok sa iisang bagay, ang kahalagahan ng pagkakaroon ng sapat na kaalaman sa ating paniniwala. Ang taong may sapat na kaalaman ay hindi mag-aalinlangan kailanman.
Pagpapahalaga sa edukasyon
Sa katunayan, si San Ignacio ay hindi nakapag-aral nang mabuti noong bata pa siya. Kaya mapapansing sa kanyang pagtapak sa mga unibersidad ay nahirapan siya. Ang kanyang Spiritual Exercises, ito ay hindi talagang nasulat sa wikang Espanyol kundi sa Basque, ang wika sa bulubundukin ng Pyrenees sa hilagang Espanya. At kahit isinalin pa ito ni San Ignacio sa Espanyol maraming mga pagkakamali siyang nagawa.
Kung susuriin ang mga dahilang ito iisa ang ipinahihiwatig nito, ang kahalagahan at pangangailangan ng edukayson. Kaya kung mapapansin na pangkaraniwan sa mga Heswita ang pagpapatakbo ng mga paaralan. Mga paaralang masasabing kahanga-hanga dahil sa kagalingan ng pagtuturo. Ito ang isang katangiang kinakailangang tularan ng mga kabataan ngayon, ang pagpapahalaga sa edukayson dahil ang edukasyon lamang ang magbibibgay daan sa isang magandang kinabukasan.
Paghahandog ng lahat-lahat para sa Diyos
Ang paghahandog ng lahat-lahat sa Diyos ang buod sa buhay ni San Igncio. Sa pagkakalumpo niya, hindi siya nag-alinlangan na sumunod sa Diyos. Sa pagiging unang Superior ng mga Heswita ibinigay niya ang lahat para mapamunuan nang mahusay ang kanyang mga kasamahan. At higit sa lahat ibinigay niya nang buo ang kanyang buhay sa Diyos hanggang sa pinakahuling sandali ng kanyang buhay.
Kung magiging bukas-palad lamang tayo sa Diyos upang masunod ang Kanyang kalooban mapayapa na sana tayo. Isang paghamon sa lahat ang ipinakita ni San Ignacio, ibinigay niya ang lahat sa Diyos nang walang pag-aalinlangan. Ito mismo ang napapaloob sa kanyang dasal, ang paghingi ng tulong sa Diyos upang maging bukas-palad siya, na kanyang maialay ang lahat-lahat sa iba na di iniinda ang laki ng mawawala sa kanya o maghintay ng anumang kapalit.
At sa pagiging bukas palad, idinidiin ni San Ignacio na kailangang ito ay para sa kuluwalhatian ng Diyos. Kaya sa bawat kilos at galaw natin dapat ito ay para sa kaluwalhatian ng Diyos lamang.
TAWAGAN MO SIYA
O God, Who in Thy most merciful Providence didst call Thy faithful servant, Ignatius of Loyola, to a life of the most exalted sanctity in the very close imitation of Thy Divine Son, grant, we beseech Thee, that through his powerful intercession, we may persevere in following in the footsteps of this Thy servant until we breathe forth our souls to Thee as faithful followers of Christ Our King. Amen.
References: : http://www.en.wikipedia.org , http://www.catholicculture.org , http://www.americancatholic.org , My First History of the Church Book by the Sons of Holy Mary Immaculate
No comments:
Post a Comment