Powered by Blogger.

Thursday, 7 August 2008

Santa Teresa Benedicta De La Cruz


Ang Santo ng Paghahanap sa Katotohanan


KILALANIN NATIN SIYA
Ipinanganak siya bilang Edith sa Breslau, Alemanya (ngayon ay Wroclaw, Poland), sa isang pamilyang purong Hudyo, noong Oktubre 12, 1891, sa mismong Yom Kuppir (Feast of the Attonement) na isang mahalagang pista para sa mga Hudyo; siya ang bunso sa 11 na magkakapatid.

Namayapa ang kanyang ama noong dalawang taong gulang lamang siya. Sa ilalim ng pangangalaga ng kanilang ina nawala ang pananamplataya Hudyo sa kanila. Labing-apat na taong gulang si Edith nang tuluyan niyang talikuran ag ang Hudayismo. Pagtuntung niya sa gulang na 22 taon nagsimula ang kanyang pagtugon sa uhaw na nararamdaman ng kanyang kaluluwa.

Tumigil si Edith sa pag-aaral dahil sa diskriminasyon ng mga Hudyo sa mga paaralan. Kaya nagkaroon na lang siya ng pribadong pag-aaral. At noong 1911 siya ay pumasok sa Unibersidad ng Breslau upang kumuha ng pag-aaral sa wikang Aleman at kasaysayan. Ngunit dahil ang totoong gusto niya ay ang pilosopiya, siya ay lumipat sa Unibersidad ng Gottingen kung saan siya ay napasailalim kay Edmund Husserl, ang ama ng phenomenology, isang pag-aaral sa pilosopiya na kung saan binabalikan ang pag-aaral sa mga bagay. Karamihan sa mga estudyante ni Husserl ay naidirekta sa pagiging Kristiyano dahil sa kanyang phenomenology.

Naging malapit si Husserl at Edith sa isa’t isa at sa katunayan naging guro siya ni Edith sa kanyang pagkuha ng doctarate sa phenomenolgy kung saan siya ay nagkamit ng parangal na Summa cum Laude. Nakilala rin niya si Max Scheeler, isa ring kilalang pilosopo, na nagbigay daan naman kay Edith sa Katolisismo.

Sa isang pagkakataon, siya ay nagtungo sa Katedral ng Frankfurt kung saan nasaksihan niya ang isang matandang babae na kagagaling sa palengke na pumasok sa simbahan at nagdasal. Sa pagkakataong ito napagiba-iba niya ang Hudaismo, Protestantismo, at Katolisismo. Nakita niyang sa mga Katoliko na kahit anong oras pumupunta sila sa simbahan na para bang may kakausapin sila sa loob nito.

Naganap pa ang isang engkwentro sa bahay ng mga Reinach. Si Adolf Reinach, isang Protestante, ay isa ring assistant ni Husserl kung saan siya ay namatay dahil sa Unang Digmaang Pandaigdig. Pumunta siya sa bahay nila upang tulungan ang asawa ni Adolf na si Anna. Ngunit natigilan siya sa mga pangyayaring nakita niya kay Anna. Sa pagkamatay ni Adolf, sa halip na maging bugnutin si Anna nagkaroon pa ito ng pag-asa at pagtanggap sa pagkamatay ng kanyang asawa. Sa pinakaunang pagkakataon naramdaman ni Edith ang pananampalatayang nakaugat sa krus ni Kristo.

Pagkatapos nito sinimulan nang basahin ni Edith ang mga libro ng Bagong Testamento at pati na rin ng mga sulatin ni Kierkegaard at pati rin ang Spiritual Exercises ni San Ignacio de Loyola.

Ngunit ang sumunod na pangyayari ang magiging daan sa kanyang tuluyang pagiging isang Katoliko. Bumisita siya sa bahay ng kanyang kaibigan na si Hedwig Conrad-Martius, isang Lutheran. Isang gabi habang siya ay nag-iisa sa bahay pumunta siya sa aklatan nila at doon natagpuan niya ang isang libro, ang The Book of the Life ng dakilang Kastilang mistiko, si Santa Teresa de Avila. Buong gabi niyang binasa ito at natapos niya kinaumagahan. Pagkatapos ng pinakahuling pahina ng libro kanyang nasabi sa kanyang sarili, “Ito ang katotohanan!” Pagkatapos ng mga pangyayaring ito si Edith ay naging parang isang ateistang uhaw sa Diyos.

Ang pagkauhaw na ito sa Panginoon ay kanyang napunuan noong Bagong Taon ng 1922 nang siya ay magpabinyag bilang isang Katoliko. Pagktapos ng binyag agad niyang naisip ang pagiging isang Carmelite ngunit siya ay pinigil ng kanyang Spiritual Director. Ipinaalam niya ang pagiging Katoliko niya sa kanyang inang Hudyo at sila ay nagkaiayakan.

Dahil sa pagpigil sa kanya upang maging isang Carmelite, nagsilbi muna siya bilang isang guro sa isang paaralang pinatatakbo ng mga madreng Dominiko sa St. Magdalen’s Convent. Nagkaroon siya ng mga gawaing pang-iskolar tulad ng mga pagsasalin sa mga sulatin ni Santo Tomas Aquino at ni Kardinal Newman. At napagtanto rin niya na kahit wala siya sa buhay relihiyoso ay masasabing isa pa ring paglilingkod sa Diyos ang kanyang pagiging isang iskolar. Napagtagumpayan niyang pagsamahin ang gawaing iskolar at ang pananampalataya. Naging panuntunan niya sa buhay na gabayan rin ang kahit sinuman na maging malapit sa Diyos. Natapos rin niya ang isa sa pinakamatagumpay na sulating pampilosopika niya, ang Finite and Eternal Being.

Ngunit pagdating ng 1933 nabalot ang Alemanya ng kadiliman nang maging malala na ang anti-Semitismo kung saan ang mga Hudyo ay hindi na maaaring magturo pa sa mga paaralan. Kaya noong 1933 siya ay tuluyan nang naging Carmelite sa Carmel ng Cologne, Alemanya sa gulang na 42 taon. Hindi nagustuhan ng ina ni Edith ang ginawa niya kaya hindi sila nag-usap hanggang sa mamatay ang kanyang ina. Nakuha niya ang abito noong Abril 15, 1934 at kinuha ang pangalang Teresa Benedicta de la Cruz o sa literal ay “Teresa, ang nabasbasan ng Krus.” Ang eternal profession niya ay noong 1938. Nagawa niyang maisulat ang The Science of the Cross.

Naging lalong mas mahigpit na ang pamahalaang Aleman kung saan pinagdadampot na ang mga Hudyo kaya nakipag-uganayan na ang superior ng Carmel ng Cologne sa Carmel ng Echt, Holland. At pagdating ng Bagong Taon ng 1939 siya ay lumipat sa Carmel ng Echt kasama ang kanyang kapatid na si Rosa na Katoliko rin. Noong 1942 napasailalim ang Holland sa mga Aleman. Umangal ang mga obispong Dutch sa panghuhuli ng mga Aleman sa mga Hudyo sa Holland kaya bilang ganti ng mga Aleman pinaghuhuli nila pati ang mga Hudyong Katoliko. At noong Agosto 2, 1942, hinuli si Edith at ang kanyang kapatid at dinala sa Auschwitz. Ang pinakahuling kataga ni Edith sa Carmel ng Echt ay nang sabihin niya sa kanyang kapatid, “Halika, tayo ay sasama para sa ating mga kapwa Hudyo.” Namatay siya sa mga gas chambers ng Auschwitz noong Agosto 9, 1942.

Sa pamumuno ni Juan Pablo II naging beata siya noong Mayo 1, 1987 at santo noong Oktubre 11, 1998. Kinikilala siya ng Simbahan bilang Confessor, Birhen, at Martir ng ating pananampalataya. Ang kanyang pista ay tuwing Agosto 9. Tinanghal siyang Co-patroness ng Europa.

MGA ARAL SA BUHAY NIYA
• Paghahanap sa Katotohanan
Nawalan man si Edith ng pananampalataya sa Diyos ng kanyang ina ay nagbigay daan naman ito para sa isang pagkatuklas kay Kristo. Nawalan siya ng pananampalataya ngunit ang kanyang kaluluwa ay naghahanap sa katotohanan. Sa kanyang paghahanap sa katotohanan natuklasan niya hindi ang mundo kundi si Kristo sa Kanyang krus. Ito ang daan ng kanyang paghahanap sa katotohanan, ang daan patungo kay Kristo – “ang katotohanan, ang daan, at ang buhay” (Juan 14:6).

Ang tao ay likas na naghahanap sa katotohanan. Sa mga raliyista, katotohanan ang kanilang hinahanap mula sa gobyerno, mula sa lahat ng bagay. Ganito rin dapat ang bawat isa sa atin, naghahanap sa katotohanan sa bawat bagay. Hindi tayo dapat tumigil sa paghahanap ng katotohanan sapagkat “ang katotohanan ang magpapalaya” (Juan 8:32).
At kay Edith ito ang nangyari. Lumaya siya sa matinding uhaw pang-espiritwal at nahanap niya ang katotohanang dala ng pagkakilala kay Kristo. Ito ang dulot ni Kristo sa ating buhay - ang walang hanggang kalayaan sa mga kadena na nagbibigkis sa atin sa buhay sa mga walang saysay na bagay.

• Pagtugon sa Pangangailangang Pang-espiritwal
Sa likod ng paghahanap niya sa katotohanan ay isang matinding pangangailangang pang-espiritwal. Ramdam niya ang pangangailangang ito sa kanyang buhay kaya siya ay nag-aral ng pilosopiya dahil inaasahan niya na sa pamamagitan nito mahahanap niya ang katotohanan upang matugunan ang matinding pangangailangan. Natugunan ng kanyang paghahanap ang pangangailangang ito dahil si Kristo mismo ang pumuno sa kanya.

Ang bawat tao ay may pangangailangang pang-espritwal. Isa ito sa mga bagay na nagiging dahilan ng walang katapusang paghahanap natin sa kaligayahan. Kahit kailan hindi natin mahahanap ang pupuno sa atin kung sa mga bagay na makamundo lamang tayo maghahanap. Ang kinakailangan natin ay si Kristo sa ating buhay dahil ang tao ay mapapanatag lamang sa piling ni Kristo.

• Pagtugon sa Kalooban ng Diyos
Pagkatapos na maging Katoliko ni Edith, alam niya na may plano ang Diyos sa kanya, ang maging isang Carmelite. Nalalaman niya sa kanyang sarili na ang lahat ng mga pangyayari sa kanyang buhay ay naging kalooban ng Diyos.

Ilan ba sa atin ang may tapang na sundin ang kalooban ng Diyos? Kailangang dinggin ang pagtawag ng Diyos. Totoong mayroon tayong sariling kalooban ngunit mas matimbang pa rin ang sa Diyos. Sabi ni Juan Pablo II sa kanonisasyon ni Edith, “Ang buhay ay hindi isang walang katapusang linya ng mga bukas na pinto! Dinggin ang puso! Huwag manatili sa ibabaw kundi tuklasin ang kailaliman ng mga bagay! At kapag dumating ang tamang panahon, magpasya! Ang Panginoon ay naghihinatay na iyong ilagay ang iyong kalayaan sa Kanyang kabutihan.

• Paggabay sa ibang Tao sa Diyos
Nahanap na ni Edith ang Diyos sa kanyang buhay at naging pangako niya sa kanyang sarili ang paggabay rin sa iba upang mapalapit sa Diyos. Ito ang isang naging epekto ng katotohanan sa kanya, na ang Diyos ay hindi lamang para sa kanya kundi para sa lahat at anumang natuklasan natin ay dapat maipamalita sa lahat.

Ang Diyos ay natutuwa sa bawat kaluluwang nagbabalik sa Kanyang piling dahil ito ang Kanyang mithi. Ngunit ang Diyos ay higit na matutuwa kung ang bawat kaluluwang nagbabalik sa Kanya ay magdudulot at magbibigay-daan rin sa pagbabalik ng mas maraming kaluluwa sa Kanyang piling. Kaya ang tanong: Ilang kaluluwa na ba ang iyong naibalik sa Diyos? Ito ang hamon sa bawat isa sa atin.

• Pagkatanto na ang mga Sekular na Gawain ay Paglilingkod din sa Diyos
Gaya rin ito sa ipinahayag ni San Hannibal Maria Di Francia, na naunang naitampok dito, na ang ating mga pangkaraniwang gawaing pang-araw araw (mga sekular na gawain) ay isa ring bokasyon. Ang kadalasang kasing naiisip kapag naglilingkod sa Diyos ay mga gawaing pansimbahan. Anumang gawaing naaayon sa kalooban ng Diyos at ginagampanan ito nang buong puso ay maituturing na paglilingkod sa Diyos. Ngunit ang mga gawaing imoral ay hindi paglilingkod sa Diyos sapagkat ang isang gawaing masama ay hindi kailanman magiging mabuti.

• Pagiging Martir sa Ngalan ng Pananampalataya at sa Kapwa niya Hudyo
Si Edith ay hindi lamang isang martir ng ating pananampalatayang Katoliko ngunit siya rin ay martir sa ngalan ng mga Hudyo. Naging Katoliko man siya dahil sa kanyang paghahanap sa katotohanan, hindi niya kahit isang pagkakataon tinaklikuran ang kanyang pagiging isang Hudyo; ang pananampalataya lamang niya dito ang nawala.

Sa kanyang pagkamatay hindi lamang ito ay dahil siya ay nanindigan para sa kanyang pananampalataya ngunit dahil siya ay isang Hudyo. Hinarap niya ang kamatayan nang walang pag-aalinlangan at inialay niya ang kanyang buhay para sa mga kapwa-Hudyo. At higit sa lahat inialay niya ito para sa Diyos.

Hindi natin kailangang maging martir na gaya ni Edith. Sa panahong ito ang kinakailangan ay mga martir sa pananampalataya. Kinakailangan ng mga martir ng pag-asa at pag-ibig na kahit anong unos ang ating maranasan sa ating kapaligiran ay mananatili ang ating pananalig sa Diyos. Kahit pa ilang pangayayari ang maaring magdulot ng pagkawala ng ating pananampalataya kailangan nating maging mga saksi sa kaluwalhatian ng Diyos at sa kabutihan ng kapwa.

TAWAGAN MO SIYA
PRAYER TO ST. TERESA BENEDICTA OF THE CROSS

Lord, God of our fathers, You brought Saint Teresa Benedicta to the fullness of the science of the cross at the hour of her martyrdom. Fill us with that same knowledge; and, through her intercession, allow us always to seek after You, the supreme truth, and to remain faithful until death to the covenant of love ratified in the blood of Your Son for the salvation of all men and women. We ask this through Christ, our Lord. Amen!



References:
Witness to Hope: The Biography of John Paul II by George Weigel, http://www.vatican.va, http://www.americancatholic.org

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP