Powered by Blogger.

Friday, 29 August 2008

San Luis ng Pransiya


Ang Hari at ang Santo


KILALANIN NATIN SI SAN LUIS
Ang pagiging relihiyoso ni Luis ay nakuha niya sa kanyang ina. Ginawa ang lahat ng kanyang ina upang maitanim sa kanya ang mga birtud at tamang asal bilang Kristiyano; minsan nang sinabi ng kanyang ina na mas magandang mamatay na lamang siya kaysa sa magkaroon siya ng kahit isang kasalanang mortal.

Si San Luis ay ang anak nina Haring Luis VIII ng Pransya at Blanche ng Castile. Kilala siya sa pangalang Luis IX, hari ng Pransya na ipinanganak noong Abril 25, 1214. Maagang namatay ang kanyang ama, noong Nobyembre 8, 1226, kung kaya sa gulang na 12 siya ang naging natatanging tagapagmana sa trono ng Pransya. Sa kanyang koronasyon sa Katedral ng Reims ipinangako niya na siya ay mamumuno bilang tagapaglingkod ng Diyos, bilang ama ng kanyang nasasakupan at feudal lord ng kanyang Hari, ang Hari ng Liwanag. Maaaring ganito rin ang sasabihin ng iba pang mga monarka ngunit kakaiba ang kay Luis dahil ang mga tungkulin niya bilang hari ay kanyang tinuklas sa pamamagitan ng pananampalataya.

Dahil siya ay masyadong bata pa upang maging hari ng Pransya, ang kanyang ina muna ang namuno sa kaharian bilang reyna-rehiyente. Hindi matukoy kung kailan ang pagsisimula ng pamumuno ni Luis ngunit sa kanyang pamumuno malinaw na ang ang kanyang ina ay naging mahalagang tagapayo sa tanan ng kanyang pamumuno.

Karamihan sa mga istoryador ang nagsasabing si Luis ay nagsimulang mamuno bilang hari noong 1234. Sa gulang na 19, napangasawa niya si Marguerite ng Provence, 12 taong gulang, kapatid ni Eleanor na asawa naman ni Henry III ng Inglatera. Ang kanilang pagiging mag-asawa ay kuwento ng masayang pagmamahalan ngunit mayroon pa ring mga hindi maiiwasang pagsubok. Nagbunga ang kanilang pag-iisang dibdib ng sampung anak.
Bilang isang Kristiyanong hari ng Europa, kanyang sinuportahan ang mga Krusada. Sa katunayan, dalawang beses siyang nakasama mismo sa Krusada. Parehong kabiguan ang naidulot ng mga Krusadang ito na naging dahilan pa nga ng kamatayan niya.

Una siyang sumabak sa Krusada sa Ikapitong Krusada noong 1248. Nagtagumpay siya na agawin ang Damietta ngunit hindi nagtagal ito. Dahil sa paghina ng kanilang puwersa dahil na rin sa pagkakaroon ng mga mersinaryo ng disenterya, sila ay nabihag ng mga Muslim. Habang siya ay nakakulong, araw-araw niyang dinarasal ang Divine Office at dinidinig ang pagbasa sa araw na iyon kasama ang ilang pari. Kung kaya sa kagustuhan ni Luis na sila ay mapalaya muli niyang ibinalik ang Damietta at nagbayad pa ng halaga sa mga kalaban. Nanirahan siya ng apat na taon sa mga Kahariang Krusada ng Acre, Caesarea, at Jaffe kung saan gumawa siya ng isang matibay na depensa laban sa mga kalaban at sinubukang magkaroong ng diplomatikong pakikipag-usap sa Syria at Egypt. Pagkatapos ng Krusadang ito muli siyang bumalik sa Pransya.

Kilala si Luis bilang isang patron ng sining sa buong Europa. Bilang hari malaki ang kanyang impluwensya sa pag-unlad ng sining at arkitekturang Gothic. Isa sa mga halimbawa ng pag-unlad na ito ay ang kanyang personal na kapilya, ang Sainte-Chapelle sa Paris. Bilang hari ng Pransya si Luis ang kinikilalang isa sa pinakamakapangyarihan ng kanyang panahon dahil ang Pransya noon ang pinakamayaman at may pinakamaraming sundalo. Ngunit si Luis ay hindi naging kilala dahil lamang sa mga materyal na bagay at pakikidigma ngunit dahil ito sa kanyang kagandahang-loob. Kinikilala siya ng ibang monarka ng Europa bilang isang dapat pamarisang Kristiyanong hari at itinuturing siyang perpektong kinatawan ng buong Kahariang Kristiyano (Christendom). Kahit buhay pa si Luis ay nakatatak na sa kanya ang pagiging banal. Kung kaya siya ay naging isang tagapamagitan sa mga alitan sa pagitan ng mga hari ng Europa.

Malaki rin ang naiambag niya sa administrasyong sibil. Pinalitan niya ang ilang mga patakaran sa pag-usig at iba pang gawaing pampamahalaan. Mahal ni Luis ang mga taong kanyang nasasakupan lao na ang mga mahihirap. Nagpatayo siya ng mga ospital, binisita niya ang mga may sakit, at, gaya ng kanyang itinuturing patron na si San Francisco de Asis, pinangalagaan niya pati ang mga may ketong. Dahil dito siya kinikilala ng Secular Franciscan Order bilang isa sa mga tagapagtangkilik nila. Lubos ang kanyang pagmamahal sa mga mahihirap. Bawat araw may 13 mahihirap siyang kasalo sa pagkain at sa labas ng kanyang palasyo ay nagpapakain siya sa mga mahihirap. Tuwing Undas at Adbiyento, lahat ng lumalapit upang humingi ng makakain ay binibigyan niya at siya mismo ang nagsisilbi sa kanila. Sa pamumuno niya bilang hari siya ay nagkaroon ng isang listahan ng lahat ng mga mahihiarap sa kanyang kaharian.

Sa lahat ng pagkakataon, ginampanan ni Luis ang tungkulin ng Pransya, bilang “pinakamatandang anak ng Simbahan,” na maging tagapangalaga ng Simbahang Katolika na nag-ugat sa pagkorona ng Papa kay Charlemagne bilang Emperador ng Holy Roman Empire noong 800 sa Roma. Sa katunayan ang mga hari ng Pransya ay tinatawag na "pinaka-kristiyanong hari.”

Hindi maipagkakaila na si Luis ay naging aktibo sa Inquisition kung saan isa sa naging pinakamalaking ambag niya dito ay ang paglusob sa mga ereheng Cathar sa Pransya.

Gustong-gusto ni Luis na makinig ng mga sermon ng mga pari at sa katunayan dalawang beses siya nakikinig ng Misa araw-araw dahil dito. Nakawilihan rin niya na maglakbay kasama ang mga pari habang nagdarasal sila. Ngunit kahit siya ay palagiang nakikisama at napapaligiran ng mga pari, hindi siya nag-atubiling kontrahin ang mga pari kapag napatunayan niyang hindi sila makatwiran.

Ninais ulit ni Luis na magkaroon isang Krusada dahil sa isang balitang ang emir ng Tunis ay gustong maging Kristiyano at gusto niyang masaksihan mismo ito. Tumutol ang mga nasasakupan niya sa takot na sila ay mawalan ng isang kahanga-hangang hari. Ngunit ipinagpatuloy niya ito at sinuportahan naman siya ng Papa. Nang makarating siya sa Carthage nalaman niyang ang balitang natanggap niya ay isa pa lang panlilinlang. Marami na sa kanyang mga sundalo ang namamatay dahil sa dysenteria. At siya mismo ay nadapuan nito. Noong Agosto 25, 1270, buong araw hindi nakapagsalita si Luis at pagdating ng alas tres kanyang inihayag ang kanyang huling mga salita: “Sa iyong mga kamay ay ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu.” At pagkatapos nito siya ay namayapa na. Binigyan niya ang kanyang anak ng 36 na mungkahi kung papaano niya patatakbuhin ang Pransya at laht ng ito ay nakasentro sa pagiging isang mabuting Kristiyanong hari at pagsunod sa kalooban ng Diyos.

Siya ay inihayag bilang isang Santo noong 1297 ni Papa Boniface VIII, 27 taon pagkatapos ng kanyang kamatayan. Siya ang natatanging hari ng Pransya na naging Santo. Dahil dito kinuha ng bkaramihan sa mga naging hari ng Pransya, lalo na sa dinastiyang Bourbon, ang pangalang Luis. Isang orden rin ng mga madre ang naitatag bilang pagpaparangal sa kanya ang Congregation of the Sisters of Saint Luis.



MGA ARAL SA BUHAY NIYA

• Pagmamalasakit sa mga mahihirap
Sa ating bansa hindi maipagkakaila na laganap na ang kahirapan dahil sa hindi rin maipagkakailang kawalan ng katarungang panlipunan. Maraming indibidwal at mga organisasyon naman ang tumutulong sa kanila. Ngunit ganito ba ang lahat ng mga tao? Ilan ba sa atin ang may puso pa para sa mga mahihirap?

Ang Diyos mismo na nagkatawang tao ay naging mahirap sa ibabaw ng mundo. Pagpapakita ito na ang Diyos ay walang pinipili, na siya ay Panginoon rin ng mga mahihirap. At hindi nga ba sa pitong corporal works of mercy halos lahat ay tumutukoy sa pagtulong sa naghihirap. Kung magkakaroon lamang ng higit na pagpapahalaga sa kanila baka walang naghihirap ngayon.

• Pagpapatunay na ang Kabanalan ay para sa lahat
Si San Luis ay isang hari. At hindi maiiwasang ikubli sa mga hari ang pagkakaroon ng mga gawaing hindi katanggap-tanggap. Ngunit binago ni San Luis ang impresyong ito at siya ang nagbigay ng patunay na kahit ano pang kalagayan ng iyong buhay maaari kang maging banal.

Ito ang pagtawag ng Simbahan sa ating lahat ang maging banal dahil ito mismo ang pagtawag ng Diyos sa atin. Dapat isaisip ng bawat isa na may mga inihayag na mga Santo hindi dahil sa sila ang nagpapamukha sa atin ng ating pagiging makasalanan at makamundo ngunit sila ang daan upang tayo rin ay maging banal. Maaaring hindi lahat ay maihahayag at kikilalanin ng Simbahan bilang Santo ngunit sa paggawa ng kabanalan may Diyos na nakatingin sa iyo at Siya mismo ang hihirang sa iyo at magiging isa sa kanyang mga alagad sa langit.

• Pamumuno sa pamamagitan ng pagtupad sa kalooban ng Diyos
Ang pumumunong ganito ay isang mahirap na gawain dahil ang pamumuno ay palaging nakakubli sa sekular na mga gawain. Ngunit si San Luis ang nagpakita na maaaring mamuno sa pamamagitan ng pagtupad sa kalooban ng Diyos. Dahil na rin sa pagtupad niya sa kalooban ng Diyos napamunuan niya ang Pransya ng mabuti at naging mapayapa ito sa tanan ng kanyang administrasyon.

Ito ang dapat taglayin ng bawat namumuno sa ating bansa lalo pa’t ang pamahalaan ay puno ng katiwalian. Kahit kailan hindi maaaring maging batayan ng pamumuno ang sariling pag-unawa. Kinakailangan sa pumumuno ang pagkakaroon ng tainga para sa mga pinamumunuan at higit sa lahat tainga para sa pakikinig sa kalooban ng Diyos. Ang pamumuno ay hindi palaging “ako” dapat ito ay maging “tayo” at “Niya.” Dahil walang mangyayari kung ang pakikinggan mo lamang ay ang iyong sarili.


• Pagtatanggol sa Simbahang Katoliko
Bilang isang Katolikong hari, ginawa ni San Luis ang lahat upang maipagtanggol at mapangalagaan ang Simbahan laban sa lahat ng mga problemang nakapaligid dito.
Hindi naman sa sinasabi nating kailangan din nating maging makapangayarihan, maging mga hari, upang tulad niya ay maipagtatanggol at mapapangalagaan natin ang Simbahan. Kinakailangan lamang ng isang mas hayagang pagtatanggol sa ating paniniwala mula sa mga tumutuligsa sa atin. Sa panahong ito kinakailangan ang maging isang well-informed na Katoliko tungkol sa ating mga paniniwala upang maipagtanggol natin ang Simbahan laban sa mga Protestante. Hindi dahil sa dapat nating kamunghian sila ngunit ang Simbahang Katolika kasi ang nagtataglay ng totoong pananampalataya. At kawalan sa isang indibidwal kung titiwalag siya. Kung magiging manananggol tayo ng ating paniniwala maiiwasan ang hindi mapigilang paglipat ng mga Katoliko sa ibang denominasyon. At isa sa mga matibay na organisasyon sa pagtatanggol sa Simbahan ay ang mga Catholic Faith Defenders (CFD).

• Pagiging patas kahit pa sa mga pari
Sa kasaysayan, nagkaroon ng mataas na kalagayan sa lipunan ang mga pari at iba pang mga miyembro ng Simbahan. Kung kaya pati ang Santo Papa ay kinakailangang kaibiganin at maging kaalyado ng iba’t ibang monarka ng Europa lalo na ang mga Kristiyanong hari. Sa likod ng pakikipagkaiban na ito ay ang takot na kapag hindi nagawa ang ninanais ng Simbahan maaari silang mapatawan ng ekskomunikasyon.

Ngunit kahit ganito ang nangyayari noon hindi natinag si San Luis na kontrahin ang mga pari kapag nakikita niyang hindi na sila makatwiran sa mga ginagawa nila at iminumungkahi sa kanya.

Hanggang ngayon mataas pa rin ang pagtingin natin sa mga pari sapagkat sila ang mga ministro ni Kristo dito sa lupa. Tama lang na igalang natin sila. Ngunit kung sila man ay magkakaroon ng mga gawaing hindi katanggap-tanggap, huwag rin tayong matatakot na kontrahin sila. Isaisip na tao pa rin naman sila, hindi perpekto. Ngunit ang pagkontrang ito ay sa isang mahinahon na paraan.

• Pagpapakita sa tungkulin ng mga magulang upang gabayan ang kanilang mga anak
Bahagi ng makulay na buhay ni San Luis ang kanyang ina. Kaya naman hindi natin matatanggal sa ating pag-aaral sa buhay niya ang mga ginawa ng kanyang ina. At maging sa kanyang pagiging ama naipakita rin niya ang paggabay sa kanyang anak na si Philip sa pamamagitan ng kanyang pagmumungkahi para sa kanyang pamumuno bago siya mamatay.
Ang kanyang ina ay nagpakita ng isang ulirang pagganap bilang isang magulang. Ang mga Katoliko ay binibinyagan kapag sanggol pa lamang. At sa kanilang paglaki nararapat lamang na ang mga magulang at mga ninong at ninang ang gagabay sa kanya. Hindi lamang paggabay sa mga pagsubok at mga sekular na bagay kundi sa “formation” ng isang bata sa paniniwalang Katoliko.

Ngunit hindi ganito ang nangyayari sa atin. Maraming magulang na pagkatapos ng binyagan ay nag-aakalang tapos na ang kanilang responsibilidad. Dahil sa ganitong pagpapabaya marami sa mga Katoliko ang hindi nabigyan ng tamang kaalaman sa paniniwala at madaling nahimok ng ibang paniniwala.

TAWAGAN MO SIYA

Prayer For The Intercession Of King Saint Louis IX


Oh holy St. Louis IX, model of Catholic upbringing,and tireless defender of the Kingship of Christ, Despite your royal surroundings you were raised to love God and hate sin, Your kingdom on earth was always ruled by the kingdom of heaven.

Glorious St. Louis IX, who did not hesitate to bring the poor to your own table, intercede for us that we may always strive to imitate our Savior as you so wisely did.

Keep us from the snares and allurements of the world, and help us to live truly Catholic lives at every moment. We ask this through Christ Our Lord. Amen

References:
http://www.wikipedia.org, http://www.americancatholic.org, http://www.ewtn.com, http://www.communityofhopeinc.org

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP